02/20/2025
Ano nga ba ang TULA?
Ito ay isang masining na anyo ng panitikan na naglalayong maipahayag ang damdamin ng makata o manunulat nito. Kilala ito sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo. Nagpapahayag ito ng damdamin at magagandang kaisipan gamit ang maririkit na salita. Ito ay matalinghaga at kadalasang ginagamitan ng tayutay.
____________________________________________
Mga Elemento ng Tula:
Ang tula ay may walong (8) elemento. Ito ay ang mga sumusunod:
Persona
Talinghaga
Tono o Indayog
Kariktan
Anyo
Saknong
Sukat
Tugma
____________________________________________
1. PERSONA: Ang persona ng tula ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula. Kung minsan, ang persona at ang makata ay iisa. Maari rin naman na magkaiba ang kasarian ng persona at makata. Maaari rin na isang bata, matanda, pusa, a*o, o iba pang nilalang.
____________________________________________
2. TALINGHAGA: Kinakailangan dito ang paggamit ng mga tayutay o matatalinhagang mga pahayag upang pukawin ang damdamin ng mga mambabasa.
____________________________________________
3. TONO O INDAYOG: Tumutukoy sa paraan ng pagbigkas ng bawat taludtod ng tula. Ito ay karaniwang pataas o pababa.
____________________________________________
4. KARIKTAN: Ito ang malinaw at hindi malilimutang impresyon na natatanim sa isipan ng mga mambabasa. Ang kariktan ay elemento ng tula na tumutukoy sa pagtataglay ng mga salitang umaakit o pumupukaw sa damdamin ng mga bumabasa.
____________________________________________
5. ANYO: Ito ay tumutukoy sa kung paano isinulat ang tula.
Ang Anyo ng Tula ay Apat:
1. May Sukat, May Tugma
Ito ang mga “Tulang Tradisyunal” na may sukat, tugma at mga matalinhagang salita.
2. May Sukat, Walang tugma
Ito’y mga tulang may tiyak na bilang ang pantig ngunit ang huling pantig ay hindi magkatunog o hindi magkakatugma. Halimbawa nito ang Berso Blangko.
3. Walang Sukat, May Tugma
Ito’y mga tulang walang tiyak na bilang ang pantig sa bawat taludtod ngunit ang huling pantig ay magkakasintunog o magkatugma. Tinatawag din minsang “Malayang Tumutugma”.
4. Walang Sukat, Walang Tugma
Ito ang “Malayang Taludturan”. Walang sinusunod na sukat, tugma o anyo. Walang restriksyon at ayon sa nais ng manunulat.
Minsan, nae-encounter ninyo ang “MALAYANG TULA”. Hindi po ito ANYO. Nangangahulugan po ito na, nasa manunulat ang pagpapasya kung anong ANYO ng tula ang gusto niyang gamitin.
____________________________________________
6. SAKNONG: Ito ay tumutukoy sa kalipunan ng mga taludtod at tinatawag ding TALUDTURAN.
Halimbawa:
2 taludtod – kopla
3 taludtod – terseto
4 taludtod – kwarteto
5 taludtod – kinteto
6 taludtod – sesteto
____________________________________________
7. SUKAT: Ito ang bilang ng pantig ng tula sa bawat taludtod. Maaaring lalabindalawahin (12 pantig), lalabing-apatin (14 pantig), lalabing-animin (16 pantig), atbp.
Ano ang Untol o Sesura?
Karaniwan ito sa “Tulang Tradisyunal” kung saan, lagi itong “pantay”.
Halimbawa:
10 pantig – 5/5 ang sesura
12 pantig – 3/3/3/3, 4/4/4 o 6/6 ang sesura
14 pantig – 7/7 ang sesura
15 pantig – 5/5/5 ang sesura
16 pantig – 4/4/4/4 o 8/8 ang sesura
18 pantig – 6/6/6 o 9/9 ang sesura
Ito ang katutubong tigil sa pagbigkas sa dulong pantig ng isang pangkat ng mga salitang may iba’t ibang pantig sa loob ng isang taludtod. Ang katumbas nito sa English ay “cutting word” o paghahati. Ang standard na simbulo para sa paggamit nito ay dalawang patayong linya (||) ngunit karaniwang ginagamit sa English ay pahalang na linya (/) bilang tandang pagtigil sa ano mang babasahin. Ang mga simboling ito ay ginagamit lamang upang magturo sa tamang daloy sa pagbigkas bilang pamalit minsan sa kuwit upang madaling makita at mabasa.
Dahil sa SESURA, mas nagiging maganda ang daloy ng pagbigkas ng tula lalo na kung maayos ang paglalapat. Maging maingat sa "pagputol" o "pagpapaiksi" ng mga salita upang hindi maging "pilít" ang paghahati ng pantig.
____________________________________________
8. TUGMA: Ito ay ang pagkakasingtunog ng mga salita sa huling pantig ng bawat taludtod ng tula. Ito ang nagbibigay sa tula ng himig.
May mga salita po na magkatulad ang dulong letra subalit hindi tugma gayundin, may mga salitang magkaiba ang dulong letra ngunit tugma.
May Apat na Iskema ang Tugma:
AAAA – monorima
ABBA – inipitan
ABAB – salitan
AABB – sunuran
Ang Tugma ay maaaring GANAP o ‘DI-GANAP.
GANAP ang tugmaan kung kung:
1. Magkapareho ang huling patinig-katinig o PK
Halimbawa:
bay(a)(n)
tahan(a)(n)
lipun(a)(n)
palay(a)(n)
2. Magkapareho ang huling katinig-patinig o KP
Halimbawa:
ba(t)(o)
pa(t)(o)
pu(t)(o)
kan(t)(o)
‘DI-GANAP ang tugmaan kung:
1. Magkapareho ang huling patinig ngunit magkaiba ang katinig o PK
Halimbawa:
sag(a)(d)
tah(a)(k)
hap(a)(g)
las(a)(p)
2. Magkaiba ang huling katinig ngunit magkapareho ang patinig o KP
adhi(k)(a)
lu(p)(a)
du(l)(a)
tu(l)(a)
Hindi po ito mga URI ng tugma bagkus, mas katanggap-tanggap bilang “kalagayan” ng tugma.
____________________________________________
Mahalaga sa tugmaan ang kaalaman sa TULDIK o “stress mark" sa salita.
PAHILIS (á), ginagamit para sa mga salitang WALANG IMPIT. Tinutukoy nito ang bilis (kung nasa hulihang patinig) at bagal (kung wala sa hulihang patinig) ng bigkas. Sa tugmaan (maliban sa karaniwang antas), ito ang tinitingnan sa PATINIG NA WALANG IMPIT (malumay at mabilis) at KATINIG.
PAIWA (à), ginagamit sa salitang MAY IMPIT at mabagal o banayad ang bigkas (malumi).
PAKUPYA (â), ginagamit sa salitang MAY IMPIT at mabilis ang bigkas (maragsa)
Napaka-importante nito sa tula kung saan mahigpit na sinusunod ang TUGMAAN. Sa ibang sulatin, hindi gaano, maliban kung ang isang salita ay may iba pang kahulugan.
Halimbawa:
bílang (numero / sa paraan ng...)
biláng (alam kung ilan...)
talà (bituwin)
talâ (nakasulat...)
Sa pagtutuldík, hindi na kailangan ang tandang pahilís kapag MALUMAY ang salita. Nagbabago ito ng anyo (paiwa at pakupya) kapag ang salita ay naaangkupan.
Halimbawa:
buláwan— bulawan
sandígan— sandigan
akmâ— akmáng-akmâ
lubhâ— lubháng totoo
____________________________________________
Dalawang Uri ng Tugmaan
1. Katinig
2. Patinig
____________________________________________
I. TUGMAANG KATINIG
1. MALAKAS (b, k, d, g, p, s, t)
a. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -ab, -ak, -ad, -ag, -ap, -as at -at.
Halimbawa:
alab
sindak
pugad
hungkag
sagap
agnas
salungat
b. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -eb/-ib, -ek/-ik, -ed/-id, -eg/-ig, -ep/-ip, -es/-is at -et/-it.
Halimbawa:
talahib
sabik
balakid
daigdig
sagip
bagwis
hinanakit
c. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -ob/-ub, -ok/-uk, -od/-ud, -og/-ug, -op/-up, -os/-us, at -ot/-ut
Halimbawa:
loob
tibok
lugod
lubog
salop
buhos
p**t
2. MAHINA (l, m, n, ng, r, w, y)
a. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -al, -am, -an, -ang, -ar, -aw at -ay
Halimbawa:
sakmal
kalam
kalaban
hibang
altar
pananaw
niluray
b. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -el/-il, -em/-im, -en/-in, -en/-eng, -er/-ir, -ew/-iw, at (-ey/-iy)
Halimbawa:
naningil
kulimlim
habilin
libing
martir
bitiw
c. Magkasintunog ang mga salitang nagtatapos sa -ol/-ul, -om/-um, -on/-un, -ong/-ung, -or/-ur, (-ow/-uw) at -oy/-uy
Halimbawa:
tanggol
gutom
panahon
patibong
de-kolor
naluoy
____________________________________________
II. TUGMAANG PATINIG
1. MAY IMPIT
a. MALUMI: Marahang bigkasin at may impit o diin sa huling pantig
Halimbawa:
lawà
kawawà
mistulà
tiwalà
tampipì
tangì
luwálhatì
lahì
siphayò
tumulò
palalò
pangakò
b. MARAGSA: Mabilis bigkasin at may impit o diin sa huling pantig
Halimbawa:
sungkâ
palakâ
bilasâ
malaswâ
sungkî
suhî
mithî
binhî
tumayô
nabigô
lumayô
hilagyô
2. WALANG IMPIT
a. MALUMAY: Banayad bigkasin at walang impit o diin sa huling pantig
Halimbawa:
eskwéla
dalága
papáya
asáwa
laláki
grábe
turéte
sábi
saklólo
lólo
minístro
póso
b. MABILIS: Mabilis bigkasin at walang impit o diin sa huling pantig
Halimbawa:
kulá
kantá
salbá
sayá
gabí
pirmí
bilí
saksí
liyó
nalitó
tampó
bató
____________________________________________
Apat ang Antas ng Tugmaan:
1. Karaniwan
2. Tudlikan
3. Pantigan
4. Dalisay
____________________________________________
I. KARANIWAN
Ito ang unang antas ng tugmaan. Ang mga salitang magkakatugma ay maaaring,
1. Kung PATINIG, MAY IMPIT sa MAY IMPIT (regardless kung malumi o maragsa) at WALANG IMPIT sa WALANG IMPIT (regardless kung malumay o mabilis).
Halimbawa:
bigô
birò
tagpô
tulò
sidhî
talì
sipì
tagnî
tulâ
biyayà
tilà
sadyâ.
2. Kung KATINIG, MALAKAS sa MALAKAS at MAHINA sa MAHINA, regardless kung mabilis o mabagal ang bigkas (mabilis o malumay).
Halimbawa:
báyan
báhay
ílaw
halál
sadlák
hapág
lápad
sapát
báyan
lipunan
káwan
tingnan
balát
búhat
payát
buklát
Basta TUGMAAN ang usapin at walang hinihinging ANTAS, awtomatikong KARANIWAN dapat ang masunod. Kapag hindi, wala pong tugma ang mga salita. Ito ang antas na basehan ng “wastong tugma”.
Hindi maaaring magtugma ang PATINIG na MAY IMPIT sa WALANG IMPIT (Halimbawa: tulà, tása, dukhâ, damá— mali ito dahil MAY IMPIT ang tulà at dukhâ, WALANG IMPIT naman ang tása at damá).
Mandin, hindi maaaring pagsamahin ang KATINIG na MALAKAS at MAHINA (Halimbawa: báyan, búhay, búkas, araw— mali ito dahil MAHIHINA ang báyan, búhay at araw, samantalang MALAKAS naman ang búkas)
____________________________________________
II. TUDLIKAN
Ito ang ikalawang antas ng tugmaan. Dito, ikonsidera ninyo ang UNANG ANTAS (KARANIWAN) pero ang mga salitang magkatugma ay dapat na may iisang “diin” lamang at paraan ng pagbigkas.
1. Kung PATINIG at WALANG IMPIT,
a. MALUMAY sa MALUMAY
Halimbawa:
pag-ása
tása
búnga
tamása
b. MABILIS sa MABILIS
Halimbawa:
saló
daló
hustó
tuksó
2. Kung PATINIG at MAY IMPIT,
a. MALUMI SA MALUMI
Halimbawa:
talà
tamà
hulà
biyayà
b. MARAGSA sa MARAGSA
Halimbawa:
dukhâ
dulâ
tulâ
tuwâ
3. Kung KATINIG, MAHINA sa MAHINA, MALAKAS sa MALAKAS at,
a. MALUMAY (mabagal bigkasin) sa MALUMAY (mabagal bigkasin)
Halimbawa:
báyan
káwan
íwan
mínsan
báyan
búhay
áraw
káwal
lápat
búhat
áwat
gáyat
búhat
túlad
pátag
búkas
b. MABILIS (mabilis bigkasin) sa MABILIS (mabilis bigkasin)
Halimbawa:
tahán
sagwán
buwán
lunán
tahán
iláng
tanáw
tangáy
bakás
lutás
katás
labás
labás
labág
lahát
pagpág
____________________________________________
III. PANTIGAN
Ito ang ikatlong antas ng tugmaan. Dito, ikonsidera ninyo ang IKALAWANG ANTAS (TUDLIKAN) + isaalang-alang ang pagkapare-pareho ng dulong PATINIG-KATINIG (PK) at KATINIG-PATINIG (KP) ng mga pinagtutugmang salita. Sa madaling salita, ito ay TUDLIKANG GANAP.
1. Kung PATINIG at WALANG IMPIT,
a. MALUMAY sa MALUMAY + KP
Halimbawa:
pag-á(s)(a)
tá(s)(a)
bá(s)(a)
tamá(s)(a)
b. MABILIS sa MABILIS + KP
Halimbawa:
sa(l)(ó)
da(l)(ó)
gu(l)(ó)
ngi(l)(ó)
2. Kung PATINIG at MAY IMPIT,
a. MALUMI SA MALUMI + KP
Halimbawa:
ta(l)(à)
ga(l)(à)
hu(l)(à)
baha(l)(à)
b. MARAGSA sa MARAGSA + KP
Halimbawa:
sa(w)(â)
lu(w)(â)
ga(w)(â)
tu(w)(â)
3. Kung KATINIG, MAHINA sa MAHINA, MALAKAS sa MALAKAS at,
a. MALUMAY (mabagal bigkasin) sa MALUMAY (mabagal bigkasin) + PK
Halimbawa:
báy(a)(n)
káw(a)(n)
íw(a)(n)
míns(a)(n)
láp(a)(t)
búh(a)(t)
áw(a)(t)
gáy(a)(t)
b. MABILIS (mabilis bigkasin) sa MABILIS (mabilis bigkasin) + PK
Halimbawa:
tah(á)(n)
sagw(á)(n)
buw(á)(n)
lun(á)(n)
bak(á)(s)
lut(á)(s)
kat(á)(s)
lab(á)(s)
____________________________________________
IV. DALISAY
Ito ang pinakamataas na antas. Dito, ikonsidera ninyo ang IKATLONG ANTAS (PANTIGAN) + bukod sa pagkakapare-pareho ng bigkas at huling PK o KP, mahalaga rin na magkatulad ang PATINIG bago ang HULING PATINIG ng mga pinagtutugmang salita. So, tatlo na ang pagtutuonan natin ng pansin. PATINIG—PATINIG-KATINIG (PPK) at PATINIG—KATINIG-PATINIG (PKP).
1. Kung PATINIG at WALANG IMPIT,
a. MALUMAY sa MALUMAY + PKP
Halimbawa:
pag-(á)(s)(a)
t(á)(s)(a)
b(á)(s)(a)
tam(á)(s)(a)
b. MABILIS sa MABILIS + PKP
Halimbawa:
s(a)(l)(ó)
d(a)(l)(ó)
t(a)t(l)(ó)
w(a)(l)(ó)
2. Kung PATINIG at MAY IMPIT,
a. MALUMI SA MALUMI + PKP
Halimbawa:
t(a)(l)(à)
g(a)(l)(à)
hin(a)(l)(à)
bah(a)(l)(à)
b. MARAGSA sa MARAGSA + PKP
Halimbawa:
s(a)(w)(â)
s(a)g(w)(â)
g(a)(w)(â)
ng(a)(w)(â)
3. Kung KATINIG, MAHINA sa MAHINA, MALAKAS sa MALAKAS at,
a. MALUMAY (mabagal bigkasin) sa MALUMAY (mabagal bigkasin) + PPK
Halimbawa:
b(á)y(a)(n)
k(á)w(a)(n)
t(á)n(a)(n)
tah(á)n(a)(n)
l(á)p(a)(t)
b(á)n(a)(t)
(á)w(a)(t)
g(á)y(a)(t)
b. MABILIS (mabilis bigkasin) sa MABILIS (mabilis bigkasin) + PPK
Halimbawa:
t(a)h(á)(n)
s(a)gw(á)(n)
p(a)s(á)(n)
l(a)gy(á)(n)
b(a)k(á)(s)
b(a)t(á)(s)
k(a)t(á)(s)
l(a)b(á)(s)
____________________________________________
Ang Pahina:
“Ito po ay payak na pagpapaunawa lamang sa isang bahagi ng malaking paksa batay sa mga nalikom na kaalaman mula sa mga aralin, mga ibinahaging kaisipan ng mapagkakatiwalaang mga tao at mga karanasan ng ilang manunulat. Nawa’y makatulong ang paskil na ito sa mga nagnanais maglayag sa malikhaing pagsusulat ng tula.”
Source (Original Post / FB):
https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=862315068339925&id=100036843190507&mibextid=Nif5oz