14/04/2024
TAGULAYLAY NI FLORANTE-1838
Isinulat ni Francisco Balagtas-Baltazar
Mahiganting Langit, bangis mo’y nasaan?
Ngayo’y naniniig sa pagkagulaylay,
Bago’y ang bandila ng lalong kasam'an
Sa reynong Albanya’y iwinawagayway?
Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.
Ang magandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong,
Balang magagíling ay ibinabaon
At inililibing na walang kabaong.
Ngunit, Ay! Ang lilo’t masasamâng loob
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa balang sukab na may asal hayop
Mabangong insenso ang isinusuob.
Kaliluha’t samâ ang ulo’y nagtayô
At ang kabaita’y kimi’t nakayuko,
Santong katuwira’y lugami at hapo,
Ang luha na lámang ang pinatutulo.
At ang balang bibig na binubukalan
Ng sabing magalíng at katotohanan
Agad binibiyak at sinisikangan
Ng kalis ng lalong dustang kamatayan.
O taksil na pita sa yama’t mataas!
O hangad sa puring hanging lumilipas!
Ikaw ang dahilan ng kasam'ang lahat
At niring nasapit na kahabag-habag.
Sa korona dahil ng Haring Linceo
At sa kayamanan ng dukeng ama ko
Ang ipinangahas ng Konde Adolfong
Sabugan ng samâ ang Albanyang reyno.
Ang lahat ng ito, maawaing Langit,
Iyong tinutungha’y ano’t natitiis?
Mula ka ng buong katuwira’t bait,
Pinapayagan mong ilubog ng lupit?
Makapangyarihang kanan mo’y ikilos,
Papamilansikin ang kalis ng p**t,
Sa reynong Albanya’y kusang ibulusok
Ang iyong higanti sa masamâng loob.
Bakit kalangita’y bingi ka sa akin,
Ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?
Diyata’t sa isang alipusta’t iling
Sampung tainga mo’y ipinangunguling?
Datapuwat sino ang tatarok kayâ
Sa mahal mong lihim Diyos na dakila?
Walang mangyayari sa balat ng lupa
Di may kagalingang iyong ninanasa.
Ay di saan ngayon ako mangangapit!
Saan ipupukol ang tinangis-tangis
Kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
Ang sigaw ng aking malumbay na boses!