29/03/2024
Siya ang kailanman ay hindi ko magagawang pagsisihan.
Siya at ang kanyang dalang liwanag sa bawat araw-- mga ngiting pumapawi sa pagod na nararamdaman ng aking puso, mga tingin na nagbibigay ng ginhawa sa aking paghinga, at ang mga matang nangungusap na wari'y sinasabi sa akin na hindi ako nag-iisa.
Siya ang nagpapakalma sa mga rumaragasang emosyon na aking nararanasan, at siya ang nagsilbi kong kapayapaan, katahimikan ng aking magulong isipan.
Nasanay ako sa kanyang presensya at humantong sa mga pagkakataong nakadepende na ang aking saya kapag nakakasama siya, alam kong ito'y isang pagkakamali sapagka't sa tuwing siya'y nawawalay, ako nama'y naliligaw, at napupuno ng kalungkutan kahit pa ilang beses kong pinipigilan-- siya ang nagsilbi kong kanlungan.
Tanggap ko at alam kong hindi masusuklian itong aking espesyal nararamdaman, kaya't kahit salungat sa aking kagustuhan, ay pinili kong dumistansya sa kanyang liwanag at unti-unting kinakain ako ng kadiliman-- ngunit ako'y naging hangal, hindi tamang gawin ito sa isang tulad niyang tinuturing kong napakahalagang kaibigan.
Wala sa aking mga kamay ang kapalaran naming dalawa, wala rin sa aking mga kamay ang pag-asang maaabot ang tulad niya, kaya't inaalay ko na ang lahat ng nararamdaman kong bigat sa Panginoon, alam kong masasagot Niya ang lahat ng katanungan ng aking puso at ang lahat ng aking pag-aalala, pagdating ng tamang panahon.
Siya ay patuloy na isasama ko sa bawat dalangin, kasiyahan niya'y magiging kasiyahan ko na rin, at kung ano man ang nag-aabang para sa amin, malugod kong tatanggapin. Mas mainam na palayain ang aking sarili, palayain ang isang pag-ibig na walang pamagat, palayain ang isang taong minsan kong hinangad, at ipaubaya ang lahat sa Maykapal.
Salamat sa kanya, sa mga alaala, sa mga panahong nakasama siya-- isa siyang kabanata ng aking buhay na hindi ko magagawang pagsisihan kailanman, at kasabay ng paglubog ng araw na aking makikita sa bawat dapit hapon, at ang pagsilip ng buwan sa madilim na gabi, ay ibubulong parati ang mga salitang hindi ko masabi, mga bawat dasal na sana'y tuluyan nang maging tunay na malaya ang damdamin, at magawa nang kumawala ng puso sa isang pagmamahal, lalo pa't ito'y hindi nararapat na makamtan.
---
Liham ng Nakakubling Damdamin