07/11/2020
Proud kami sa Project Saysay dahil iba't ibang propesyonal ang bumubuo dito liban sa mga historyador, g**o ng kasaysayan, at graphic designer: may dalubhasa sa mga wika at panitikan ng bansa, sikolohista, letratista, musikero, at higit sa lahat sa IT, tulad ng kasama naming volunteer na si Mc Kevin Pattung Romualdo.
Kasama na namin si Kevs sa Project Saysay mula pa noong 2016. Minsan din siyang naging Direktor ng Project Saysay (para sa Dokumentasyon, 3 Hunyo 2017 - 29 Maros 2018). Siya ang bumuo sa kasalukuyang website ng Project Saysay (www.psaysay.org) matapos kaming pagkalooban ng pondo ni Direk Pat Perez (SLN) noong 2017. (Nilunsad ang website na ito kasabay ng pagdiriwang namin sa ikaapat na taong pagkakatatag noong 22 Mayo 2017 sa Rizal Shrine Fort Santiago, Intramuros, Maynila.) Wala siyang tinanggap na anumang bayad, bagkus ay nakiusap na mabigyan ng mga Project Saysay poster ang mga paaralan sa Cagayan, na siya naman niyang pinagsumikapang maabutan ng kaya, sa tulong na rin ng ambagan ng kaniyang mga kakilala at kaibigan sa Tuguegarao.
Bilang direktor, siya ang nag-organisa sa database ng mga paaralang nakatanggap na ng mga Project Saysay poster sa bansa. Bagaman taga-Tuguegarao, kahit sa San Antonio, Zambales pa o Intramuros ang meeting o event namin, lagi siyang dumadalo. Siya rin ang nag-iisang nagtaguyod sa Project Saysay Tuguegarao, ang una't nananatiling aktibong sangay ng Project Saysay. Bilang tagapagtaguyod ng sangay na ito, siya ang tumiyak na nakarating at nakapaskil sa mga silid-aralan ng Cagayan (hanggang Babuyan Islands) ang mga poster ng Project Saysay. Aktibo rin siyang lider-kabataan sa Region II, kaya't nanatiling buhay ang Project Saysay sa Cagayan sa tuwing magtu-turnover sa mga paaralan doon.
Pasyon niya't mahal na mahal ang Cagayan. Nang naghanap ng drop-off point para sa Quincentennial Art Competition ang National Quincentennial Committee, Republic of the Philippines sa bandang norte, buong giliw niyang inalok ang sarili at siya ang naging tulay para makumbinsi ng National Historical Commission of the Philippines ang Kapitolyo ng Cagayan, sa gitna ng pandemya. Salamat sa kaniya at di na mahihirapan ang mga pintor ng Region II na lumuwas pa ng Maynila dahil maaari na nilang isumite ang kanilang mga obra sa Cagayan Museum and Historical Research Center. At dahil din dito, nagkapuntos na naman ang Project Saysay sa NHCP Local Historical Committees Network (para sa renewal natin sa 2022 hehe). Talaga nga namang laging nasa mapa ang Cagayan dahil sa kaniya.
Magdadalawapu't limang taon na siya sa darating na Nobyembre 28. Ngunit bandang alas tres ng hapon nitong Nobyembre 5, nakatanggap na lamang kami ng balita na inatake siya ng hika, na kaniyang ikinaparam ng sigla't hininga.
Lubos na pasasalamat ang lagi-lagi naming bukambibig para kay Kevs. Salamat, at isa ang Project Saysay sa napili mong gugulan ng panahon, lakas, at karunungan. Kasama kami sa maraming nagpupugay sa 'yo. Pakikumusta naman kami kay Jhom Gorme.
📷 Munting handog ng Project Saysay sa karangalan ni Kevs, obra ni Billy Marciano, poster ni Alvin Lorena