21/02/2026
𝗜𝗞𝗔-𝟭𝟭𝟮 𝗔𝗡𝗜𝗕𝗘𝗥𝗦𝗔𝗥𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗡𝗔𝗞𝗔𝗡 𝗡𝗜 𝗔𝗡𝗚𝗘𝗟 𝗦. 𝗡𝗔𝗞𝗣𝗜𝗟
Noong, Pebrero 20, 1914, isinilang si Angel Sancho Nakpil. Itinuturing siyang haligi ng modernong arkitektura at pagpaplanong urbano sa Pilipinas.
Anak siya nina Enriqueta Sancho at Ramon Nakpil, isang gobyernong pensionado na nag-aral ng indistrial na disenyo sa Estados Unidos. Pinsan siya ng Pambansang Alagad ng Sining na si Juan Nakpil, isang ugnayang naglatag ng maagang impluwensiya sa kanyang landas bilang arkitekto.
Natapos niya ang kanyang sekundarya sa De La Salle College at nagtapos ng arkitektura sa University of Santo Tomas noong 1935. Ipinagpatuloy niya ang gradwadong pag-aaral sa Harvard University kung saan nakamit niya ang master’s degree sa regional planning noong 1940. Sa Harvard, nakadaupang-palad niya si Walter Gropius, tagapagtatag ng Bauhaus at pangunahing tagapagtaguyod ng international style, isang karanasang humubog sa disiplina at modernong sensibilidad ng kanyang disenyo.
Pagbalik sa Maynila, naglingkod siya sa U.S. Army Engineer’s Office at kalaunan ay naitalaga sa Land Planning Commission upang maghanda ng bagong plano para sa Baguio City. Hindi man naisakatuparan dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinatibay nito ang kanyang paninindigan sa sistematikong pagpaplanong urbano. Mula 1947 hanggang 1949, nagsilbi siyang Commissioner ng City Planning Office ng Maynila. Pagsapit ng 1949, itinatag niya ang sarili niyang tanggapan bilang arkitekto at city planner, at noong 1976 ay naging senior partner sa Gabriel P. Formoso and Partners.
Bilang g**o, naging bahagi siya ng School of Architecture ng Unibersidad ng Santo Tomas mula 1950 hanggang 1961 at nagsilbi bilang dekano noong 1959–1961. Aktibo rin siya sa propesyonal na hanay bilang kasapi ng Philippine Institute of Architects at charter member ng United Architects of the Philippines na itinatag noong 1975.
Ipinamalas niya ang kanyang husay sa mga gusaling naging batayan ng modernong disenyo sa bansa: ang National Press Club Building sa Magallanes Drive, Maynila; ang dating punong-tanggapan ng Philippine Long Distance Telephone Company sa Makati; ang Lopez Museum Building sa Pasay; ang Picache Building sa Quiapo; ang Roche Building sa Pasong Tamo; at ang Petrona Apartments sa Taft Avenue. Inilarawan ang kanyang mga likha bilang daring ngunit disiplinado, mula sa cylindrical, glass-sheathed stairway ng NPC Building na hiwalay ang daloy ng trapiko, hanggang sa mga solusyong pangklima at akustika ng Petrona Apartments at ang triangular plan na may cantilevered floors ng Lopez Museum.
Bukod sa pagdidisenyo, naging masinop na manunulat si Nakpil. Kabilang sa kanyang mga sanaysay ang “Architecture in the Philippines,” “Filipino Modern,” at “Homes for the Middle Income Group,” na naglatag ng diskursong intelektuwal sa modernong arkitektura ng Pilipinas.
Sa personal na buhay, una siyang nag-asawa kay Carmen Diaz, na yumao at nag-iwan ng dalawang anak na babae. Muli siyang nag-asawa kay Carmen Guerrero, isang kilalang manunulat at lingkod-bayan, na nakasama niyang bumuo ng pamilya at magpalaki ng tatlong anak. Isa sa kanila si Luis na naging arkitekto rin, at isa pa si Lisa na minsang naging tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
Bilang pagkilala sa kanyang ambag sa sining at kultura, ginawaran si Nakpil ng Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Lungsod ng Maynila noong 1974. Pumanaw siya noong Nobyembre 2, 1980, ngunit nananatiling buhay ang kanyang pamana, sa mga gusaling naglilingkod sa publiko, sa mga ideyang naghubog sa disiplina, at sa pamantayang iniwan niya para sa mga susunod na henerasyon ng arkitekto.
Mga Sanggunian
Bahay Nakpil-Bautista. walang petsa. Angel Ernesto Sancho Nakpil. Nakita noong Pebrero 19, 2026 sa https://bahaynakpil.org/angelernestosanchonakpil/.
Medina, Marielle. 2019. Did you know: 105th birth anniversary of architect Angel Nakpil. Inquirer.net, Pebrero 20, 2019.
https://newsinfo.inquirer.net/1087731/did-you-know-105th-birth-annivesary-of-architect-angel-nakpil
National Historical Institute. 1996. Filipinos in history, tomo 6. Maynila: National Historical Institute.
Ong, Ghio. 2018. Carmen Guerrero Nakpil, essayist, visionary. The Philippine Star, Hulyo 31, 2018.
https://www.philstar.com/headlines/2018/07/31/1838351/carmen-guerrero-nakpil-essayist-visionary.
. .
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
🖐 I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
👉 Bisitahin ang www.psaysay.org
🤙 Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa [email protected]