15/01/2023
Sinta, alam kong pinag-ugnay lamang tayo ng masalimuot na digmaan, ang yong pagdating ay hudyat lamang ng malawak na pakikibaka sa bayang naghahanap ng lunas at kalayaan.
Batid ko nang walang kasiguraduhan sa mundong puno ng pagmamalabis at pinapalakad ng kapangyarihan, ngunit ang ating ugnayan ay babaunin ko sa aking pakikidigma, kahit na minsan ay 'sing liit lamang ng kinang ng mga alitaptap ang pag-asang liliwanag din ang lahat.
Babaunin ko ang himno ng 'yong pag-ibig, ang 'yong mga yakap ang magsisilbi kong kalasag sa labanan, kahit na ilang beses man akong masugatan at madapa ay paulit-ulit akong babangon upang ipaglaban muli ang ating pag-ibig.
Hindi ako susukong tahakin ang dilim, kung ang katapusan naman ng daang ito ay liwanag sa muli kong pag-uwi sa iyo. Sinta, gaano man kalupit ang danas sa bayang ito, patuloy kong hahangaring magtapo muli ang magkalayo nating mundo.
At kung dumating mang hindi ko na masilayan ang bukas, maalala mo sana, na sa walang katiyakang mundong ito, ang pag-ibig mo ang naging "Kaligtasan" ko.
Hanggang sa muli, Binibini.
Ps: Mula sa serye ng Maria Clara at Ibarra, sa paglabas ni Klay sa mundo ng Noli Me Tangere, anong trahedya pa kaya ang mangyayari sa kabuuan ng kwento?
Muli pa kayang magtapo ang landas nila ni Fidel sa tunay na mundo o magiging bahagi na lamang ng isang alaala ang kanilang pag-ibig?
Sabay-sabay nating abangan!