26/11/2025
Kape at Alaala
Dalawa’t tatlong kutsarita ng kape,
kalahating asukal—timplang ikaw ang nag-ukit sa isip ko.
Sa ugong ng motorsiklo mo,
parang tumitibok muli ang hapon ng kabataan ko.
“Ipagtimpla mo si Papa mo ng kape.”
Sigaw ni Mama na gabay sa maliit kong hakbang,
at ako’y tatakbong may ngiting walang bahid pagod,
dahil ikaw ang tahanang inaabutan ng bawat tagpo.
Uupo ka muna, huhubad ng sapatos,
at sa kamay kong nanginginig ang tasang halos kumakawala.
Pero mawawala ang kaba
kapag nasilayan ko ang kahong kulay dilaw
ng Mister Donut sa mesa—
munting paalala ng tamis ng pag-uwi mo.
Ngayon, tuwing madaraanan ko
ang tindahan ng Mister Donut,
para akong binabalik sa araw na hindi nagmamadali,
sa oras na ikaw ang musika sa aking pagkabata—
isang matamis na alaala na lang ngayon ng kahapon.
At sa aking pag-uwi,
ang kape’y hindi na para sa pagod mong pag-upo,
kundi para sa lamayan kung saan huling humimbing
ang katawan mong minsang sandigan ko.
Sa huling paglapit ko sa iyo, Papa,
inialay ko ang saludo—tulad ng tasa,
maingat, mabigat, puno ng paggalang.
At sa bawat patak ng luha ko,
parang kape ring tumitingkad
ang alaala mong hindi maglalaho.
©️nbtdc