21/02/2026
Ang piyesang ito ay para sa mga taong bilanggo sa sarili nilang kaisipan, bilanggo sa bilangguang sila mismo ang bumuo. Ito'y pinamagatang "Sariling Bilangguan".
Ako'y bilanggo sa lugar na sarado, may apat na sulok at sa itim ay pintado. Ako'y nag-iisa ngunit maingay at magulo. Sinubukan kong kumawala ngunit hinila ako nito. Sa aking tainga'y may sumisigaw na, "Bumalik ka dito, hindi ka na makakalabas dito, lalamunin kita dito, hindi ka mahal ng pamilya mo, walang nagmamahal sa'yo, ang buong mundo'y galit sa'yo."
Hindi ko na alam ang gagawin. Sa hukuman, ang daming batikos laban sa akin. Tila ba wala silang balak na ako'y palayain. Kanilang ibinabalik ang aking mga nakaraan, mga kasalanang akin nang tinalikuran. Pilit nilang pinipilit na ako'y manatili sa bilangguan. Sino kaya ang tutulong sa akin? Sino kaya ang makikipaglaban para sa akin?
'Yan ang mga tanong na paulit-ulit kong binubulong sa isipan ko habang ang hukom ay nagpupulong.
Pagbalik sa lugar na sarado at sa itim ay pintado, ako'y nakaupo. Walang pinagbago—maingay at magulo. Ako'y nakapikit at nagsusumamo, mga luha sa mata'y tumutulo. Nagulat ako't napatayo. Bigla na lang, may pumahid sa luha kong sa mga mata'y natulo. Ito'y maliwanag, nakangiti sa'king bumungad. Niyakap ako sabay sabing, "Ako ang makikipaglaban para sa'yo, Ako ang magpapalaya sa'yo, mula ngayo'y hindi ka na bilanggo." Ako'y napahagulgol at Siya'y aking niyakap. Ako'y Kanyang ipinaglaban sa hukom at ipinagtanggol, ako'y ginabayan hanggang tuluyang humilom. Sa sarili kong bilangguan, ako'y Kanyang inalis, at isipan ko'y Kanyang nilinis. Ako'y Kanyang pinalaya sa kaisipan kong madaya. Ang dating bilangguan ay naging payapang tahanan, lahat ay nag iba salamat sa nag-iisang sa akin ay nag ligtas. Siya ang pinagmumulan ng kapayapaan at ang nag-iisang sa akin ay nagpalaya laban sa kasalanan.