15/06/2024
Pundasyon Ng Tahanan
ni Les Jimenez
Tinadtad nang kalyo ang noo'y malalambot na palad,
Maghapong trabaho kapalit ng kakarampot na bayad
'Di alintana ang malakas na ulan o tirik na araw
Para sa pamilyang 'tinataguyod, tripleng lakas ang inihahataw
Nasanay ka nang ganyan,
Mula noong ako'y musmos at sa mundo'y wala pang alam
Nasaksihan ko ang mga pagpapanggap mong kalauna'y nakasanayan na lang
Na kahit pa ikaw mismo ay may kumakalam na tiyan,
Sasabihing busog para sa'ming magkakapatid ay may maipakain man lang
Ang sinaing sa umaga'y pagkakasyahin hanggang sa umabot nang gabi
Hindi man palarin na sa hapag may ulamin, dagdagan lang ng tubig, sibuyas at luya ay may lugaw kami
At ngayong nasa hustong gulang na ang 'yong mga anak na napalaki
Nais naming bumawi sa lahat nang sakripisyo n'yo laban sa tadhanang minsan na sa'ting nang-api
At alam ko, unti-unti mo nang nararamdaman ang paghina
Hindi lang ng katawan kundi ng mata, pandinig at pati na
Ng pusong napuno nang samu't saring eksperyensya
Na s'yang nagpapakita ng 'yong katatagan at nagsilbing ebidensya
Kaya't kung nasanay kang mabansagan bilang isang haligi ng tahanan,
Nagpakatatag, nagsakripisyo habang pag-ibig ang tinahan
Sa sandaling ito, ako sana ay hayaan
Na sabihing mas matibay ka sa ordinaryong haligi— ikaw ay pundasyon na nanatiling nakatayo kahit na ilang anay o bagyo pa ang sumubok sa'yong katibayan.
***
Maligayang pagbati po para sa lahat nang dakila naming ama! Maraming salamat po sa lahat. Mabuhay kayo!
Disclaimer: Illustration used was sourced from Google images. No copyright infringement intended.