15/08/2026
Agosto 15
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LAGIT SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
PANALANGIN:
Mahal na Birheng Maria,
Ina ni Kristo at aming Ina,
Ikaw ang pinakamatamis na bunga
ng mapanligtas at tapat na pag-ibig ng Diyos.
Iniakyat ka sa langit at doon ay inaawit ang Awa ng Ama.
Gayunpaman, kaagapay ka pa rin namin
sa iyong maka-inang pagkalinga.
Sa panahong ito ng pandemya, dumudulog kami sa iyo,
O tanda ng aming tiyak na pag-asa at ginhawa.
Sa araw na ito, sinasariwa namin
ang aming pagtatalaga at pagkakatiwala ng aming sarili sa iyo
na ginawa ng mga nauna sa amin.
Sa iyong yakap ng pag-ibig bilang Ina at Lingkod,
balutin mo ang aming parokya,
ang aming Lungsod,
at ang aming Bayan
na muli naming ipinagkakatiwala at itinatalaga sa iyo,
sampu ng aming mga sarili at mga pamilya.
Sa isang natatanging paraan,
inilalapit namin sa iyo ang mga lubos na nangangailangan
ng iyong maka-inang paglingap.
O Maria, Kalusugan ng mga Maysakit,
tanda ng kalakasan, paghilom, at pag-asang mula sa Diyos
para sa lahat ng may karamdaman,
ipinagkakatiwala namin sa iyo ang lahat ng dinapuan ng coronavirus.
O Maria, Ina ng Kaginhawahan,
nililingap mo sa iyong maka-inang pag-ibig
ang lahat ng lumalapit sa iyo,
ipinagkakatiwala namin sa iyo
ang lahat ng nawalan ng mahal sa buhay sa pandemyang ito.
O Maria, Saklolo ng mga Kristiyano,
na tumutulong sa amin sa lahat ng pagsubok,
ipinagkakatiwala namin sa iyong pangangalaga
ang lahat ng caregiver, medical worker, doktor, nars, at frontliner.
O Maria, Reyna at Ina ng Awa,
niyayakap mo ang lahat ng tumatawag sa iyo sa kanilang kagipitan,
ipinagkakatiwala namin sa iyo ang lahat ng nagdurusa sa anumang paraan
dahil sa pandemyang ito.
O Maria, Luklukan ng Karunungan,
maluwalhati kang pinuspos ng liwanag ng katotohanan,
ipinagkakatiwala namin sa iyo ang lahat ng nagsisikap
na mahanap ang lunas sa pandemyang ito.
O Maria, Inang May Mabuting Payo,
inilaan mo ang iyong sarili nang buong-puso sa plano ng Diyos
na panibaguhin ang lahat kay Kristo,
ipinagkakatiwala namin sa iyo
ang lahat ng aming mga pinuno at mambabatas.
Tanggapin mo sa iyong maka-inang paglingap
ang pagtatalagang ito na ginagawa namin nang buong tiwala,
at tulungan mo kami upang maging mga lingkod ng iyong Anak
tungo sa paghilom at kaligtasan ng aming bayan at ng daigdig.
O Maria, Ina ng Simbahan,
iniakyat ka sa langit na ating tunay na tahanan,
at iniluklok bilang reyna sa kanang-kamay ng iyong Anak:
hinihiling namin ang iyong pamamagitan
para sa mga pangangailangan ng aming bayan,
nang ang bawat kagandahang-loob ay pagpalain at palakasin,
ang pananampalataya ay manariwa at mapagyaman,
ang pag-asa ay patuloy na maging matatag at maliwanag,
at ang pag-ibig ay muling mapukaw at manumbalik ang sigla;
Kami ay nagsusumamo,
gabayan mo po kami sa landas ng kabanalan.
Maria, aming Ina,
balutin mo ang lahat sa iyong pangangalaga
at ilapit kami sa iyong Minamahal na Anak,
si Hesukristong aming Panginoon. Amen.
Mariang iniakyat sa langit, ipanalangin mo kami.