01/09/2026
Ang Exodus 12 ay hindi lamang ito kuwento tungkol sa isang ritwal bago umalis ang Israel sa Egipto. Ito ay kuwento ng isang bayang matagal nang nakagapos sa pagkaalipin at maging ang Diyos na kumikilos upang palayain sila sa gapos pagkaalipin.
Sa loob ng maraming taon, ang mga Israelita ay nabuhay sa ilalim ng sistemang kumokontrol sa kanilang buhay, paggawa, katawan, at kinabukasan at ang kanilang pagdurusa ay hindi binalewala ng Diyos. Ang Paskuwa ay naging tanda na ang Diyos ay hindi Diyos ng pagkaalipin kundi Diyos ng paglaya. Ang Diyos na nagligtas sa Israel mula sa pagkaalipin ay patuloy na tinatawag ang Kanyang bayan na tumindig laban sa anumang sistemang umaalipin, nang-aapi, at kumikitil sa dignidad ng bawat tao.
Ang kabanalan ay hindi lamang usapin ng personal na panalangin, pagbabasa ng Biblia, o pagiging mabuting Kristiyano. Ang pananampalataya ay mayroon ding social dimension. Ayon nga kay John Wesley, hindi maaaring paghiwalayin ang kabanalan at pakikipagkapwa. “There is no holiness but social holiness.” Ang tunay na kalayaan na ipinagdiriwang natin ay dapat makita sa paraan ng ating pakikitungo sa kapwa.
Kung may taong inaapi dahil mahirap siya..
Kung may manggagawang pinagsasamantalahan..
Kung may pamilyang walang sapat na pagkain..
Kung may mga taong walang boses dahil sila ay nasa laylayan
--- MAYROONG PANANAGUTAN ANG SIMBAHAN~
Hindi tayo tinawag ng Diyos upang maging komportable lamang sa ating pananampalataya. Tinawag tayo upang maging tagapagtindig at instrumento ng paglaya.
Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang isang indibidwal na karanasan. Kaya ang ating pananampalataya ay hindi lamang dapat nagtatapos sa loob ng simbahan. Ang tunay na kabanalan ay lumalabas sa lansangan. Ang social holiness ay ang banal na buhay na nakikita sa ating pakikipag-ugnayan at pananagutan sa isa't isa.
Hindi sapat na sabihin nating, *“Pagpalain ka ng Diyos.”* Minsan, tayo ang tinatawag ng Diyos upang maging kasagutan sa panalangin ng isang taong naghihirap.
Ang Simbahang tunay na banal ay hindi lamang marunong lumuhod sa harapan ng Diyos; marunong din itong tumayo sa tabi ng mga inaapi. Ang Diyos ng Exodus ay Diyos ng paglaya. At kung tayo ay bayan ng Diyos, hindi tayo maaaring maging walang pakialam sa mga taong patuloy na nakagapos.
Ang ating kabanalan ay nasusukat hindi lamang sa kung gaano tayo kalapit sa Diyos, kundi kung gaano tayo kalapit sa mga taong nangangailangan ng kalayaan, katarungan, at pag-ibig.