09/11/2023
PAHAYAG TUNGKOL SA GYERANG AGRESYON, OKUPASYON, AT HENOSIDYO NG ZIONISTANG ISRAEL KASAPAKAT ANG ESTADOS UNIDOS SA PALESTINE
Gerang agresyon (pangngalan) β Ang gerang agresyon ay ang pakikipagdigmaan sa isang partikular na lokasyon, grupo, komunidad o estado na ang paraan ay agresibong nakikipagdigmaan nang hindi isinasaalang-alang ang mga sibilyan o kalikasang namamatay dahil dito.
Okupasyon (pangngalan) β Pananakop o pang-ookupa sa isang tiyak na teritoryo.
Henosidyo (pangngalan) β Sistematikong pagpatay sa isang lahi
Zionistang Israel (pangngalan) β Ideolohiya ng Estado ng Israel na naniniwalang kinakailangang makabalik ng mga hudyo at maitatag ang Israel bilang pinangakong lupain ayon sa Bibliya
OPISYAL NA PAHAYAG NG MAY PAG-ASA CULTURAL AND EDUCATIONAL CARAVAN COMMITTEE SA GERANG AGRESYON, OKUPASYON, AT HENOSIDYO NG ZIONISTANG ISRAEL KASAPAKAT ANG ESTADOS UNIDOS SA PALESTINO.
Ang May Pag-Asa Cultural and Educational Caravan (MPC) Committee ay buong kampanyang sumusuporta sa mga Palestino sa kanilang laban para sa pambansang kalayaan. Ang MPC ay binuo sa pagsisikap na pataasin ang kamalayang makabayan ng mamamayang Pilipino sa harap ng dekadang banta at unti-unting pananakop ng mga dayuhang bansa sa ating ekonomya, pulitika at kultura.
Malinaw na hindi magkaiba ang nararanasang walang upat na gyerang inilulunsad ng Zionistang Israel kasapakat ang Estados Unidos sa ginagawang pagsupil ng estado ng Pilipinas sa mga mamamayan sa tabing ng kontra-insurhensyang nangyayari sa bansa. Okupasyon sa mga lupang ninuno at lupa ng magsasaka gayundin ang walang pakundangang pagbebenta ng bahagi ng tabing dagat para sa mga proyektong reklamasyon ang ginagawa ng ating gobyerno para tuluyang mapaalis ang mga katutubong Mangyan, Lumad, Dumagat, mga magsasaka, mangingisda at maralitang lungsod sa kanilang mga lupain at sakupin ng mga negosyong hindi magsisilbi para sa ating pambansang interes.
Sa kasalukuyan, umabot na sa sampung libo ang namatay na mga Palestino. Hindi pa kasama ang bilang mula noong maitatag ang Israel sa lupain ng mga Palestino noong 1948, sa kabila ng ginarantiyang humanitarian truce ng United Nations para sa mga Palestino. Sa Pilipinas, sa isang taon ng ilihitimong rehimen ni Marcos Jr., nakapagtala ng kabuuang 1,582,232 intimidasyon, pananakot at harassment ang mga Pilipino ayon sa datos ng KARAPATAN. Mahigit pitong libong beses na pambobomba sa kanayunan at walong libong indiscriminate firing na tiyak na ang mga sibilyan ang apektado tulad ng nangyayari sa mga Palestino. Lahat ito ay naitala sa patuloy na pag-iral ng Anti-Terror Law at Executive Order 70 na ipinapatupad ng ahensyang National Task Force to End Local and Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Samantala, Estados Unidos ang numero unong sumusuporta sa Zionistang Israel at kumikita sa gerang agresyon na ito bilang pangunahing nagbebenta ng mga kagamitang pandigma. Ang Estados Unidos rin ang nagsusuplay at nagbebenta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga gamit pandahas sa mamamayan upang protektahan ang mga negosyanteng nais kamkamin ang mga lupain ng mga katutubo at magsasaka sa mga remote areas ng bansa.
Mahigpit na nakikiisa ang mga mamamayang Pilipino sa mga Palestino sa parehong pagsisikap natin na labanan ang mga gerang agresyon at okupasyon ng mga dayuhang mananakop sa ating mga bansa. Kaya naman, tulad ng panawagang pagkakaisa, patuloy rin naming dadalhin sa mga paaralan, komunidad, pagawaan at malalawak na palayan ang edukasyong patungkol sa nangyayari sa mga Palestino para sa malawak pang suporta at pagpapakilos para sa internasyonal na pagkakaisa.