11/12/2025
ANG MISTERYOSONG NILALANG SA WATERFALLS
By:
DK Shadow
EPISODE 1 - Ang Misteryosong Lalaki sa Waterfalls
Sa wakas nakapag vacation leave din ako sa opisina at nakasama sa bestfriend ko sa paguwi niya sa kanilang probinsya sa Laguna. Maganda ang lugar nila, tahimik at malapit sa isang di kalakihang waterfalls. Ang agos ng tubig sa waterfalls ay nagbibigay ng mas nakakarelaks na pakiramdam para sa akin. Kaya naman, naging ugali ko na tumambay sa may malaking bato sa gilid nito pagkatapos magtakip-silim, habang pinakikinggan ang tunog ng bawat agos ng tubig. Isang mahinhing musika na nagpapagaan sa puso ko na kakatapos lang mapuno ng sakit dahil sa pagkawala ng unang lalaking lubos kong minahal. Si Edward.
Si Edward, ang katipan ko sa loob ng dalawang taon, kasama sa opisina. Parehas kaming junior engineer. Dalawang buwan na ang nakakalipas ng malaman ko na paalis na sya, papuntang Canada, dahil naaproved ang kanyang fiance visa. Yes, nagtaksil sya. Habang nobya ako ay may kachat syang Canadian na syang nagpetisyon sa kanya para makapunta ng Canada. Mas mahal niya ang pangarap niya na tumira sa Canada kesa sa relasyon namin.
Bumunot ako ng malalim na buntong-hininga, si Edward para sa akin ay isa na lamang na ala-ala. Kailanman ay hindi ko sya mapapatawad. Sa kasalukuyan ay hindi pa bukas ang puso at isipan ko para muling makipagrelasyon sa kahit sinong lalaki.
May mapaklang ngiting gumuhit sa maninipis ko na labi, at may lungkot sa mga matang tinignan ko ang dumadaloy na tubig sa waterfalls.
Habang nakatitig sa tubig ay unti-unting my hugis taong lumalabas mula sa dumadaloy na tubig sa waterfalls. Napakunot ang noo ko at mariing tinitigan ang unti-unting pagliwanag ng kabuuan ng nilalang na mula sa daluyang ng tubig ng waterfalls.
Biglang nanlaki ang aking mga mata ng masilayan ko ng buo ang misteryosong nilalang. Isang lalaki! Lalaking may kakaibang aura na parang humihigop sa aking kaluluwa!
= SUNDAN ANG EPISODE 2 SA NEXT POST =