05/06/2026
Hinuhubog
sa panulat ni K.Lee
Minsan tayo'y sinusubok upang maging malakas,
dumaraan sa problema upang maging matatag.
Dinadarang sa apoy upang maging dalisay,
sapagkat ang bakal ay hindi nagiging matibay nang hindi dumaraan sa paglalagablab.
May mga gabing tila walang katapusan,
mga araw na ang tanging kasama ay pagod at pangamba.
Mga sandaling nais mo nang sumuko,
at itanong sa langit kung bakit ikaw pa ang kailangang makaranas nito.
Ngunit paano mo malalaman ang iyong lakas,
kung hindi ka kailanman nabuwal?
Paano mo matututunang tumayo,
kung hindi mo naranasang madapa?
Ang puno ay hindi tumitibay sa banayad na hangin,
kundi sa unos na pilit itong ibinabagsak.
Ang ginto ay hindi nagiging dalisay sa lamig,
kundi sa apoy na sumusubok sa bawat bahagi nito.
Kaya kung ikaw man ay nasa gitna ng pagdurusa,
kung ang puso mo'y sugatan at ang isip mo'y pagod na,
alalahanin mo
Hindi ka sinusunog upang wasakin,
kundi upang hubugin.
Hindi ka sinusubok upang talunin,
kundi upang ihanda sa mga tagumpay na darating.
Dahil minsan,
ang mga luha ay nagiging aral,
ang mga kabiguan ay nagiging daan,
at ang mga sugat ay nagiging patunay
na ang taong minsang muntik nang sumuko,
siya ring taong natutong lumaban.
At kapag dumating ang araw na malampasan mo ang lahat,
mapapangiti ka na lamang at masasabi
"Hindi pala ako winasak ng mga pagsubok.
Hinubog lamang ako ng mga ito,
upang maging mas matatag,
mas matapang, at mas matibay."