21/09/2025
"Sino ba talaga ang Hangal?"
kung ang sukatan niyo sa talino at galing,
'yong medalya at grado na naka-printa sa papel,
habang naka dikit sa pader,
huwag nang magtaka kung bakit
ang bansa’y parang itik —
gumagapang sa putik,
at mas pinipiling tumahimik.
walang kwenta ang masa—
puro bobo ang bumoto,
naghahangad ng kaunlaran,
pero sinasabayan ang mga biro sa halalan,
pinapalakpakan ang mga palabas,
aliw na aliw sa mga sayawan ng mga kandidatong ungas.
nalasing sa ginto't pilak ang mga mata,
kaya hindi na bago:
lubog pa rin ang sistema,
bulag pa rin ang tainga,
at bingi ang mata—
kaya madaling napalupotan ng sawa,
ang kabang naka-tago at sinasabing,
"pundar para sa pag-asa."
nakakatawa, gusto niyo pala ng pagbabago?
pero buwaya ang nilalagay sa pwesto,
sino ang humanga sa kanya?
Ikaw rin, 'di ba?
dahil isang libo lang,
nabulag ka na.
ngayon, nagtatakip ng mukha sa lansangan,
sumasigaw, nagmamartsa— pero bakit nga ba?
tinitingnan mo ang langit,
nagsisigaw ng “Hustisya!”
habang pilit nililimot na ikaw din ang pumirma sa kontrata.
sino ba talaga ang may hawak ng katotohanan?
sino ang matalino, sa gitna ng sigawan?
tayo ang naghubog sa halimaw,
tayo ang tumanggap ng sobre,
tayo ang naglagay sa kanila sa trono,
at alam nila kung pa'no paikutin ang laro—
kaya bakit tayo nagrereklamo?
ngayon, sino ba ang mas hangal?
ang mga hayop na nagbihis-tao,
tumakbo habang mga plataporma'y baliko,
nagkunwaring unggoy,
ginagaya ang kilos-tao—
pero paglingon ng ulo,
sa kaban ng bayan ang tunay na laro.
O tayo mismong mga tao,
na nasobra sa talino,
pero harap-harapan naloloko,
at paulit-ulit nagpapauto?
alam na ang kasaysayan,
pero paulit-ulit itong inuulit,
na parang panata sa kabaliwan.
kung napaisip ka — hindi ka nag-iisa,
kung ikaw ang pumili sa halimaw,
ikaw rin ang sumulat ng alamat—
ang alamat ng sariling katangahan.