17/09/2023
Magtatatlong dekada na ‘kong nabubuhay sa mundo, at nagsasawa na ako sa tanong ng mga kamag anak at kakilala ko kung “kailan ka ba mag aasawa?” “ paano ka na nyan sino ang mag aalaga sa‘yo pag tanda mo?”
Pero teka hindi siguro alam ng mga taong ‘to na bangungot para sakin ang magpakasal.
wala at hindi kailanman nasama sa plano ko ang magpakasal o umibig muli.
Dahil sa totoo lang natakot na 'ko, dahil ang unang lalaking humingi ng kamay ko para maging pang habang buhay nya, ay nilisan ako.
Nung araw na ‘yon tumigil na ‘kong maniwala sa pagibig–ayoko na muling makakita ng singsing na kumikinang mula sa kahon na hawak ng isang tao.
Naging mapait ako, ngunit dumating ka ipinakilala mo ulit sa akin ang pagmamahal, tinuruan mo ako ulit na magtiwala at tuluyang magmahal.
Nanatili ka saakin kahit pa ilang beses na kitang hindi magawang piliin. Pinatunayan mo na may isang taong kayang manatili sa pagkataong mayroon ako. Inalagaan mo ang mga sugat na hindi ikaw ang bumuo, pinilit mong hilumin ang sakit ng mga alala na naiwan sa puso ko.
Pinagaling mo ako, patuloy na sinasamahan at niyayakap sa tuwing natatakot ako. Kaya nung araw na lumuhod ka na sa harap ko, at tinanong mo ako kung pumapayag ba ako na pakasalan ka, hindi na ako nagdalawang isip pang umoo at halikan ka. Dahil tama nga sila, may umaalis dahil may mas magandang paparating, at ikaw 'yon binago mo ang takbo ng buhay ko.
Hindi ko na kinakatakutan ang kasal, maging ang pagbuo ng pamilya dahil nariyan ka na. At naririto na ako, lumalakad sa altar patungo sa‘yo–patungo sa pang habangbuhay o minamahal ko.
Larawan | kuha mula sa pinterest