24/08/2025
nakakamiss pala. nagbalik tanaw ako sa nakaraan, tapos bigla nalang akong napangiti kasi naramdaman ko ulit yung gaan at parang nakalanghap ako ng sariwang hangin sa ala-alang iyon. grade school years, 2006-2011, namiss kong gumising ng maaga, mga alas kwatro palang ng madaling araw para maligo, hinaluan naman ng mainit na tubig yung panligo kaya 'di gaanong malamig pero may mga araw din na malamig yung pinanliligo ko. tapos kakain ng almusal, habang kumakain may dadaan na nagtitinda ng pandesal. "Pandesal, pandesal!" sigaw nung nagtitinda, tapos si papa magmamadali kasi bibili sya. favorite ko yung pandesal lalo na kapag mainit-init tsaka matigas pa yung texture sa ibabaw. namiss ko rin yung kapag uwian na galing school, karamihan sa'min naglalakad lang pauwi. tawanan, habulan, asaran kasabay ng malamig na simoy ng hangin sa daan. ang sarap sa feeling, pagkauwi bubukasan yung kaldero ichecheck kung may natirang bahaw (kanin) kung meron sobrang saya ko na noon, kasi isang timplahan lang ng kape may ulam na ako. tatabihan ko si inang (lola) manood ng panghapon na drama, yung mga palabas sa TV. hahaha, TV namin noon yung mataba pa sa bandang likuran. tapos habang nanonood, maaamoy mo na yung sinaing o 'di kaya yung usok ng nagsusunog ng mga dahon na winalis ng kapitbahay. amoy probinsya, amoy ang sarap mabuhay.
naalala ko, kapag may bagyo o malakas ang ulan syempre walang pasok sa eskwela. wala ring kuryente at 'di makalabas ng bahay para makipaglaro sa kapwa bata. alam mo ba ginagawa namin ng mga kapatid ko? hahaha, dahil gilid ng kalsada ang bahay namin, makikita namin yung dumadaan na mga sasakyan. edi paramihan kami ng bilang, kapag sa kanan papunta score ko, kapag sa kaliwa, score ng kapatid ko. pati nga kalabaw na dadaan, pinagtatalunan namin kung may score o wala hahaha. ending, meron daw kasi sinakyan naman daw nung matanda. kapag nagsawa kami sa larong iyon, sa libro naman. paramihan ng taong mabilang, naranasan mo rin ba 'to? sobrang simple diba, pero sobrang saya. yung feeling na kuntento kana.
naranasan ko pang maglaro ng tagu-taguan, dahon ng bayabas ang pera kapag benta-bentahan. meron din yung dudurugin namin yung kulay bilog na bunga ng alukbati para juice daw o 'di kaya yung bulaklak ng bougainvillea ni inang hahaha 'wag lang papahuli kasi baka masigawan.
hindi lang naman puro laro ang inatupag ko dati. naghanap buhay din ako sa mura kong edad. sumasama ako noon para manguha ng binnek (tulya/basta yung maliit na shell) tapos ibebenta namin bente pesos o kinse isang tabo. naranasan ko ring manguha ng suso, para may pang-ulam sa gabi. at mag pulot ng natirang palay sa bukid, para maka-ipon pang-eskwela. namiss kong mabuhay ng ganito, hindi madali pero at least alam kong matutulog akong kasama ang pamilya. ngayon kasi, isa o dalawang beses nalang akong makauwi sa'min buhat narin ng pagtatrabaho sa malayo.
madami pa akonv gustong ikwento sa inyo, pero sa susunod naman na kabanata. hanggang sa muli, kapwa nangungulila sa lumipas.
- tulips