14/06/2026
“Open Letter para sa mga Batang Atleta ng Mindanao at Panawagan sa Gobyerno”
Para sa inyo, mga batang atleta ng mga Bisaya,
Alam ko yung pangarap. Halos lahat tayo gusto makitaan ng potential ng mga universities sa Manila. Halos lahat tayo nangangarap makapunta sa Luzon — kasi doon maraming opportunity, doon maraming access, doon maraming makakita ng talento natin.
Pero ngayon, panahon na siguro na itanong natin: Bakit kailangan pa tayong lumayo para lang makilala?
Kung tutuusin, ang Mindanao puno ng magagaling na players. Ang mga Bisaya, sanay sa hirap, sanay mag-training kahit kulang sa gamit. Kaya nga tuwing Regional Meet at Palarong Pambansa, dagsa ang scouts sa Mindanao. Naghahanap sila ng player, kinukuha nila para gawing scholar sa Luzon.
Oo, choice ng atleta kung saan niya gusto pumunta. Pero masakit isipin na mas pinipili pa rin natin lumayo sa pamilya dahil wala tayong sapat na oportunidad dito sa sarili nating lupa.
Kung kaya ng Luzon, kaya rin ng Mindanao. Panahon na siguro na mabigyan ng pantay na pagtingin at equal na oportunidad ang mga Bisaya — katulad ng mga Tagalog. Hindi tayo dapat training ground lang. Hindi dapat Mindanao at Visayas lang ang pagkuhanan ng talento, tapos dadalhin lahat sa Luzon para doon pa i-develop.
Kung tutuusin, maraming star players ng Luzon, galing sa Mindanao at Visayas. Ibig sabihin, nandito na yung potential. Ang kulang na lang: suporta, facilities, at tiwala.
Kaya sa gobyerno, sa DepEd, sa PSC, sa LGU, at sa lahat ng may kapangyarihan:
Panahon na para bigyan ng sapat na pondo ang sports. Hindi lang sa NCR. Bawat region dapat may budget para sa world-class sports facilities. Bigyan niyo ng equal opportunity ang mga batang Bisaya na maka-compete internationally — hindi lang pagdating nila sa Manila, kundi mula mismo dito sa Mindanao.
Realize niyo po: Ang sports hindi lang laro. Dito nade-develop ang disiplina, pangarap, at kinabukasan ng kabataan. Ang mga atleta ngayon, sila ang pag-asa ng bayan bukas. Kung iinvest niyo sa sports facilities, sa coaches, sa training programs ng bawat region, mas maraming gold medal ang maiuuwi ng Pilipinas. Mas maraming pamilya ang hindi na kailangang mawalay.
Hindi hiling, karapatan ito ng bawat batang atleta — saan mang sulok ng bansa siya nanggaling.
At bilang coach at dating atleta:
Masakit man sa amin na pagdating ng panahon kailangan naming bitawan kung saan kami nag-train at kung saan kami natuto para lang makaluwas sa Manila. Pero mas malaki ang opportunity ng Mindanao athletes kung ang mga magagaling nating atleta mismo ang mag-train at mag-develop sa mga aspiring athletes pagdating ng panahon. Sa ganon, mas marami tayong matutulungan dito sa Mindanao. At sa ganon din, makakamit natin ang pantay na pagkilala mula sa mga nasa Luzon.
Kaya sa mga kapwa ko Bisaya na atleta: Huwag kayong mahiya sa pinanggalingan niyo. Ipagmalaki niyo na taga-Mindanao kayo. Mag-training kayo nang mag-training. Patunayan natin na hindi natin kailangan lumayo para lang maging kampyon.
Hindi training ground lang ang Mindanao. Tahanan ito ng mga kampyon.
Taas noo ang Mindanao para sa mga atletang Mindanawon!
Para sa Mindanao. Para sa mga Bisaya. Para sa pangarap. Para sa bayan.
Isang atleta, para sa lahat ng atleta.