21/06/2020
ANG PAG-IBIG
Minsan naisip mo na ba?
Kung bakit sa mundong ito isinilang ka?
Tapos paglaki iisipin kung magiging ano ka,
Kung magiging pasakit ba o matagumpay na nilalang ka,
Tapos kinalaunan, iyong mapapagdaanan,
Ang mapait na karanasan,
At bigat ng buhay dito sa kamunduhan,
Kaya naman magkukulong sa isang silid dahil wala ng maisip na paraan,
Sa sobrang bigat ng pakiramdam mo,
Na para bang itinakwil ka na ng mundo,
Iniwan ka nga ng taong mahal mo,
Pati ba naman ang pamilya mong inaasahan mo!
Kaya naman ngayon maiisip mo,
Na napakawalang kwenta mong tao,
Dahil pakiramdam mo lahat ng problema ay nasayo,
Na kahit isa walang nagmamahal at umiibig sa tulad mo!
Diyan ka nagkakamali kaibigan,
Ang lahat ng pasakit at hirap na napagdaanan?
Kumpara sakanyang ginawa para sayo, ay wala yan!
Buhay niya kapalit sa buhay mo! Yan ang katotohanan!
Sobra-sobra ang sakripisyo niya para sayo,
Tulad na lamang ng pagbuhat ng krus ng kalbaryo,
Papunta sa malayong bundok para lamang sayo!
Dahil nga mahal at iniibig ka niya handa siya na sa krus ay magpapako!
Ngayon kaibigan isipin mo ito!
Noong nakakaranas ka ng pait sa mundong ito,
Nag-iisa ka ba sa buhay mo?
Hindi! Sapagkat kailanman hindi ka niya iniwan at laging nandiyan siya sa tabi mo!
Mga problemay kaniyang hinayaan na iyong maranasan,
Upang masubok ang iyong tatag at kakayahan,
Hindi ka niya iniwan bagkus sinamahan pa sa laban,
Nakatuon ka kasi sa problema kaya hindi mo na siya namamalayan,
Alam mo kung bakit niya nagawa lahat yan?
Dahil puno siya ng Pag-ibig sa kanyang mga nilalang,
Siya rin ang dahilan kung bakit ka umiibig,
Sapagkat siya ang unang umibig,
At sabihin nalang natin dahil nga siyay Pag-ibig kapatid!
Hindi ko na sasabihin kung sino siya,
Sapagkat sa pamamagitan nitong tula,
Malamang kilala mo na siya,
Magtiwala at maniwala ka lamang sakanya,
Tiyak sa buhay magtatagumpay ka!
-Ginoong Manunula ๐