17/10/2020
Tula 1 • Tinatangi ♡
Sa bawat sandali na lumilipas,
Mga segundo, minuto, at oras,
Mga araw, linggo’t buwan na dumadaan,
Sa bilis ng pagtakbo ng panahon,
Ay ‘di inaasahang mamamalayang napupukaw na damdamin.
Tuwing nahuhuli ang sarili kong naiisip ka,
Nagsasadula muli bawat kilos mo na para bang,
Bawat galaw at salita ay kabisado at bumabagal,
Naaalala lagi mga matang may lalim at kahulugan.
At sa mga sandaling malinaw na binibigkas
Mga kuwentuhang puno ng pag-uugnayan nating dalawa,
Nilalahad na taglay ng isip mo:
Mga damdamin, karanasan, pananaw, paniniwala’t prinsipyo
Na nagpapabunyag ng iyong buong pagkatao.
Ilang beses man ay nahihirapan sa pagtatanggi,
Hindi man madaling aminin sa sarili,
Pagdadasal at pagninilay ang pagtanggap nitong pagtingin,
Napagtanto sa huli ang katotohanang ikaw ay Tinatangi.
Walang salitang sapat,
Mga salitang ‘di kailanma’y masusukat,
Ang pahayag ng pasasalamat sa Maykapal at sandaigdig,
Sa biyaya’t pagkakataong,
Damdamin at pagtingin ko’y ika’y tumugon.
Ikaw ang sagot sa binubulong na dalangin,
Ang hinggil sa mga labi na pinili kong tuparin.
Magmula noo’y pumayag sa panunuyong kay tunay at totoo,
Kaya ang sagot sa tanong na parehong hinihintay ay
“Oo.”
- “Oo.”, prinspeaks