01/05/2025
"Mahiwagang Misteryo ng Katahimikan"
Kadiliman, punong-puno ng kadiliman!
Nakakatakot isipin na nag-iisa na naman sa gitna ng kawalan,
At walang kasiguraduhang,
Kung magpapatuloy o hanggang dito na lang.
Sa bawat katahimikang bumabalot sa akin,
Ay sya ring pagdagsa ng halo-halong saloobin,
Libo-libong alaala ang paulit-ulit na naglalaro,
Patuloy akong hinahabol saan man ako tumakbo.
Nag-uumpisang manginig kasabay ng malalalim na paghinga,
Hindi ko na alam kung saan pa ba ako pupunta,
Kung sa bawat pagsubok ay pilit akong hinihila,
Hinihila palayo sa pag asang aking nakikita.
Unti-unting nilalamon ng nakakabinging katahimikan
Unti-unting nakukulong sa sariling kulungan,
Unti-unting nawawalan ng pag-asang lumaban,
At unti-unting nanghihina sa bawat dilim na dinadaanan.
At sa bawat patak ng aking mga luha,
Ay ang bawat sakit, at ang katanungang "bakit ba ako pa!?"
Minsan ng sumagi ang kagustuhang sumuko,
At hindi na batid kung saan pa ba ako patungo.
Ngunit sa kabila ng lahat ay nananatiling nakatayo,
Nakikita na ang liwanag sa kadilimang lumago,
Unti-unting naliliwanagan na hindi dapat ako sumuko,
Sapagkat may pangarap pa akong nais kong matamo.
At tuluyang naglaho ang kadiliman at kalungkutan,
Napalitan ng kapatagang puno ng naglalakihang mga halaman,
Tahimik na kagubatan, at malawak na karagatan,
Bumalik ang kagandahan ng paborito kong katahimikan.
Sa katahimikang bumabalot ay aking natanto,
Na ang katahimikan ay hindi laging negatibo,
Hindi lang nakatagong emosyon, at nakakatakot na kadiliman,
Kundi kapayapaan, at panibagong karunungan.
Nabigyan ng panahong magnilaynilay sa nakaraan kasama na ang kasalukuyan,
Tinatantya kung dapat na nga bang sumuko, o itutuloy pa ba ang laban,
Gaano pa kalakas ang bagyong humagipit sa aking nilalakaran,
Ay matapang ko itong haharapin na walang kinakakatakutan.
Patuloy na babangon ilang beses mang madapa,
Patuloy na aawit boses man ay mawala,
Patuloy na sasayaw kahit sa kawalan ng musika,
Patuloy na magsusulat kahit maubos na ang tinta.
Patuloy na lilipad mga pakpak man ay mawala,
At patuloy na matututo sa leksyong dala ng problema,
At sa sandaling ito nais kong malaman mo,
Na nahihirapan ka man sa kadilimang kinakaharap mo.
Lagi mong iisipin na may liwanag sa dulo,
Na kaya mong lampasan lahat ng madilim na mundo,
Na sa bawat panahong dama mo ang katahimikan at kadiliman,
Ay mayroong nag-iisang liwanag na sasagip sayo sa walang hanggang kawalan.
Magbibigay pag-asa at karunungan,
Upang iyong matanto kung gaano kaganda ang kalikasan,
Kung gaano kahalaga ang mabuhay ng may paninindigan,
Kung gaano ka sarap ang mabuhay ng may sariling kapayapaan.
Kung gaano ka saya, ang matagal mo ng pangarap ay makamtan,
At kung gaano ka mahiwaga ang misteryo ng katahimikan,
Na ating nag-iisang sandalan,
At naging tunay na kaibigan.
..
PS. Own Artwork