21/07/2026
Ito ang realidad ng pinagsamang epekto ng matinding init dulot ng El Niño at ng patuloy na pagdami ng mga kabudan o minahan sa Camarines Norte.
Habang nararanasan natin ang tuloy-tuloy na matinding init, kasabay naman nito ang kabi-kabilang pagputol ng mga puno sa kabundukan ng lalawigan. Kung iniisip ninyo na walang kaugnayan ang pagmimina sa pagtotroso, mahalagang maunawaan na sa pagdami ng mga kabudan ay tumataas din ang pangangailangan sa timber wood na ginagamit bilang suporta sa mga lagusan at iba pang istruktura sa loob ng minahan.
Isa sa mga lubhang naaapektuhan ay ang kabundukan sa West District ng Jose Panganiban, kabilang ang mga barangay ng San Jose, Santa Cruz, San Pedro, San Isidro, at San Martin. Dahil sa patuloy na pagkakalbo ng kagubatan, dalawang mahalagang pinagkukunan ng tubig sa lugar ang naiulat na naapektuhan, na nagdulot ng paghina at sa ilang pagkakataon ay pagkawala ng suplay ng tubig sa mga komunidad.
Mas nakababahala ang mga ulat na ang ilan sa mga pagputol ng puno ay umano'y isinasagawa nang walang kaukulang cutting permit, at may alegasyong sangkot ang ilang opisyal ng barangay. Kung mapatutunayang totoo, ito ay hindi lamang paglabag sa batas kundi isang seryosong banta sa kalikasan at sa kapakanan ng mga mamamayan.
Bukod sa posibleng pagkawala ng buwis na dapat sana'y napapakinabangan ng pamahalaan, nagdudulot din ang ilegal na pagtotroso ng pagkasira ng mga watershed, pagguho ng lupa, pagdumi ng mga ilog, at pagkawala ng tirahan ng maraming uri ng hayop at halaman. Kabilang dito ang mga threatened at endemic na species ng mga puno na mahalaga sa balanse ng ating kagubatan.
Ang kagubatan ay hindi lamang pinagkukunan ng kahoy. Ito ang pinagmumulan ng malinis na hangin, tubig, kabuhayan, at proteksiyon laban sa pagbaha at matinding init. Kapag patuloy itong sinisira, hindi lamang ang kalikasan ang nawawalan—pati ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Panahon na upang mas paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa illegal logging.