23/10/2022
Sa araw na ito noong 1944, naganap ang pinakamalaking digmaang pandagat, hindi lang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kundi maging sa buong kasaysayan --- ang Labanan sa Golpo ng Leyte. Bagama't Labanan sa Leyte Gulf ang pangalan ng labanang ito, napakalawak ng naging sakop ng labanan sa pagitan ng mga plotang pandigma ng hukbong pandagat ng Estados Unidos at Australia laban sa pinagsamang plota ng hukbong pandagat ng Imperial Japan, hindi lang mula sa golpo ng Leyte, kundi maging sa kipot ng Surigao hanggang sa kipot ng Sibuyan na sakop ng Romblon at Marinduque. Tinatayang apat na magkakahiwalay na labanan sa mga lugar na ito ang nangyari.
Nagtagal ang bakbakan ng mga eroplano at mga barkong pandigma ng dalawang bansa sa mga karagatan ng ating bansa ng tatlong araw. Tatlong araw matapos ang makasaysayang paglapag nina Heneral Douglas MacArthur sa Palo, Leyte, ikinasa na ng mga plotang pandigma ng Amerika ang opensiba laban sa mga natitirang barkong pandigma ng Japan, na noo'y kulang na sa bilang dahil sa kanilang naging pagkatalo sa Midway noong Hunyo 1942.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinadala sa aktwal na labanan ang dalawang ipinagmamalaking barkong pandigma ng Japan, ang Musashi at ang Yamato, upang umagapay sa mga mas maliliit na plotang Hapones, na aabot lamang sa 67 barko, na haharap sa mas malaking plota ng Amerika at Australia na aabot sa mahigit 300. Upang tapatan ang mas malaking pwersang Amerikano, ginamit naman sa unang pagkakataon ang isang espesyal na yunit ng hukbonh panghimpapawid ng Japan, ang kamikaze, kung saan sadyang ibinabagsak ng piloto ang kanyang eroplanong may kargang pampasabog direkta sa barko ng kalaban. Malaking pinsala ang idinulot ng mga kamikaze sa hanay ng mga Amerikano, pero hindi ito naging hadlang sa kanilang misyon na pilayin ang lakas ng impluwensya ng hukbong pandagat ng Japan sa buong Asya-Pasipiko. Simula rin ang labanang ito sa pagbawi ng Amerika sa ating bansa mula sa pananakop ng mga Hapones.
Sanggunian:
β’ Naval History and Heritage Command (n.d.). The Battle of Leyte Gulf 23β26 October, 1944. Retrieved October 23, 2022. https://www.history.navy.mil/browse-by-topic/wars-conflicts-and-operations/world-war-ii/1944/battle-of-leyte-gulf.html