03/10/2026
PANALANGIN KAY NUESTRA SEÑORA DE LA MERCED
O Mahal na Birheng Maria,
Nuestra Señora de la Merced,
aming Ina, Tagapagtanggol at Ina ng Awa,
mapagkumbaba kaming lumalapit sa iyong harapan.
Sa iyong mga kamay, O aming Ina,
ipinagkakatiwala namin ang aming mga sarili,
ang aming mga pamilya,
ang aming mga mahal sa buhay,
at ang buong pamayanang iyong ipinagkatiwala sa aming pangangalaga.
Ina ng Awa, turuan mo kaming maging maawain.
Kapag kami ay nanghihina, palakasin mo kami.
Kapag kami ay naliligaw ng landas, akayin mo kami pabalik kay Hesus.
Kapag kami ay natatakot, ipaalala mong hindi kami nag-iisa.
At kapag kami ay nabibigatan sa aming mga suliranin,
tulungan mo kaming manatiling matatag sa pananampalataya.
O Nuestra Señora de la Merced,
ipanalangin mo ang mga maysakit,
ang mga nagdurusa,
ang mga mahihirap at nangangailangan,
ang mga nalulumbay at nawawalan ng pag-asa,
at ang lahat ng humihingi ng iyong tulong.
Ipagdasal mo rin ang aming mga pamilya
upang manatili silang nagkakaisa sa pagmamahalan.
Protektahan mo ang aming mga anak at kabataan,
gabayan ang aming mga magulang,
at akayin ang bawat isa tungo sa mas malalim na pagkakilala at pagmamahal kay Hesus.
Mahal na Ina,
ipanalangin mo ang aming parokya,
ang aming mga pari,
mga lingkod ng simbahan,
mga organisasyon,
mga chapel communities,
at lahat ng taong patuloy na naglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Nawa’y maging tunay kaming pamayanang
mapagkumbaba, mapagmalasakit, nagkakaisa,
at handang maging instrumento ng awa ng Diyos.
O Nuestra Señora de la Merced,
sa bawat unos ng aming buhay,
maging aming kanlungan.
Sa bawat desisyong aming gagawin,
maging aming gabay.
At sa bawat araw na kami ay maglilingkod,
dalhin mo kami palapit sa iyong Anak na si Hesukristo.
Turuan mo kaming sabihin tulad mo:
“Narito ang lingkod ng Panginoon;
mangyari sa akin ayon sa iyong salita.”
Mahal na Birheng Maria,
Nuestra Señora de la Merced,
Ina ng Awa at Ina ng Kalayaan,
ipanalangin mo kami.
Amen. ✝️🙏