16/04/2026
DALAWANG BABAE, ARESTADO SA CHECKPOINT MATAPOS MAKUHAHAN NG MATATAAS NA KALIBRE NG BARIL AT MGA BALA SA MAGUINDANAO DEL SUR
Arestado ang dalawang babae matapos makuhanan ng matataas na kalibreng baril at mga bala sa isinagawang checkpoint operation ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office (PPO) sa bayan ng Talayan, nitong Huwebes, Abril 16, 2026.
Kinilala ang mga suspek sa pangalang Samsiah, driver at residente ng Datu Odin Sinsuat, at Janine, pasahero at residente ng Cotabato City. Ayon sa ulat, sakay ang dalawa ng isang SUV nang sitahin ng mga pulis habang dumaraan sa checkpoint bandang alas-1:00 ng hapon.
Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng mga awtoridad ang isang baril sa tabi ng pasahero at isa pa sa sahig ng back seat ng sasakyan. Agad itong kinumpiska ng mga pulis.
Narekober mula sa mga suspek ang sumusunod:
• Isang (1) Bushmaster caliber 5.56mm
• Isang (1) VLTOR caliber 5.56mm
• Sampung (10) live rounds ng 5.56mm na bala
• Dalawang (2) short magazines ng 5.56mm
Nang hingan ng kaukulang dokumento, nabigo ang mga suspek na magpakita ng anumang papeles para sa pagdadala ng nasabing mga armas at bala.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL MICHAEL JOHN C MANGAHIS, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na armas sa lalawigan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Talayan Municipal Police Station ang dalawang suspek habang inihahanda ang kaukulang mga kaso laban sa kanila. Patuloy namang pinaaalalahanan ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan sa mga checkpoint at iwasan ang pagdadala ng anumang ilegal na armas upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.