29/12/2025
Malayo Na, Pero Malayo Pa
Noon,
ako’y batang nakatanaw lang sa bintana.
Pinapanood ang iba
habang masayang papunta sa fieldtrip.
Habang ako,
naiiwan.
Hindi dahil ayaw ko.
Hindi dahil tamad ako.
Kundi dahil kapos kami—
at iyon ang totoo.
Maaga akong natutong umunawa.
Na ang magulang ko,
ginagawa ang lahat
kahit halos wala nang maibigay.
May mga gabing tahimik akong umiiyak,
may mga pangarap na pansamantalang itinabi,
dahil mas mahalaga munang mabuhay
kaysa mangarap.
Pero hindi ako sumuko.
Ngayon,
nakakarating na ako sa mga lugar
na dati’y pinapangarap ko lang.
Nagagawa ko na ang mga bagay
na minsan kong inakala
na hindi kailanman magiging akin.
Malayo na ang narating ko.
Malayo na mula sa batang
hindi makasama sa fieldtrip.
Pero alam ko—
malayo pa ang lalakbayin ko.
Dala ko ang mga luha ng kahapon,
ginawa kong lakas ngayon.
Dala ko ang hirap ng nakaraan,
ginawa kong dahilan para magpatuloy.
Malayo na,
pero malayo pa.
At hindi na ako titigil
hangga’t hindi ko naaabot
ang pangarap na minsan kong ipinagdasal.
“Ang Panginoon ay malapit sa mga pusong sugatan, at inililigtas Niya ang mga nawawalan ng pag-asa.”
Awit 34:18