02/05/2026
**Ang Lahat ng Hayop sa Ating mga Yapak**
Mabagal man ako magbasa, at di gaanong sanay sa akdang sulat sa Filipino—mabilis ko natapos itong bagong nobela ni Ronaldo Vivo Jr. Partida, fantasy at science fiction ang bias kong ikonsumo.
Matindi yung naging kapit sakin ng kwento. Di ko mapigilang madala sa kakaiba nitong agos at istilo. Mabigat man ang mga tema nitong crime mystery, kasama na dun ang sangkaterbang trigger warnings tulad ng r**e at abuse, ni minsan ay di ko naisipang tumigil. Magpahinga, oo, pero hindi para iwan ang naratibo. Kailangan ko malaman kung may hustisya, kung ano ang kapalaran ng mga tauhan, kung ano puno’t dulo ng lahat.
Salitang galit, awa, at paghanga yung naging takbo ng aking emosyon. Galit sa kasuklaman ng mga taong may kapangyarihan, sa loob man ng preso o sa opisina ng mayor. Awa sa mga walang magawa kundi lamunin ang p**t at pait ng buhay na hindi maahunan. At paghanga sa mga may pakialam, sa ilang kumilos para makatulong, malagay man sa peligro.
Gusto ko yung paggamit ng omniscient viewpoint nung kwento, o yung malawak na perspective kung saan kita mo ang iniisip at pinagdadaanan ng iba’t ibang tauhan, habang urong-sulong pa sa timeline. Hindi kasi lahat ng anggulo ay nabubunyag ng mga bida sa kanilang imbestigasyon, tila mata na lamang ng Diyos ang makapagbibigay liwanag. Ganun naman dito satin pagdating sa korapsyon at iba pang krimen—di na malaman ang totoo.
Sulit ang pagbisita ko sa Pateros ng nobelang ito. Kapanipaniwala ang mga detalye, na parang nangyari talaga. Totoong mga tao ang dating sakin ng mga karakter, at dahil sa kanila naging invested ako. Ako’y nabago at mas namulat nitong kwento, dala ang mga bagong karanasan na nakuhang ligtas sa labas ng mga pahina. May mga bagay-bagay ngayon na hindi na pareho sa aking tingin.
Sa mga balak magbasa, ihanda ang sarili at simulan niyo na.