Gaganapin sa Hunyo 24, 2016 ang kauna-unahang edisyon ng MAKATANONG: Timpalak Ng Mga Gurong Marurunong sa matulaing bayan ng Bulakan, Bulacan. Ang MAKATANONG: Timpalak Ng Mga Gurong Marurunong ay uukit ng kasaysayan bilang una at nag-iisang patimpalak-utak kung saan ang mga tanong ay bibigkasin sa paraang patula. Lalahukan ito ng mga g**o mula sa dalawampu’t isang (21) paaralan sa bayan ng Bulakan
kung saan ang bawat koponan ay bubuuin ng tig-tatlong (3) miyembro. Gamit ang wikang Filipino, layunin nito na palawakin at muling pasiglahin ang kamalayan ng mga Pilipino sa sarili nating kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan at pagtibayin ang pagmamahal sa bayan at sariling wika kung kaya’t lahat ng paksa ay tungkol sa Pilipinas at sa mga Pilipino. Ilan sa mga kategorya ay ang mga sumusunod: Kasaysayan at Kultura, Isports, Sining, Musika at Sayaw, Teatro, Panitikan, Agham, Heograpiya, Pulitika at Pinilakang Tabing. Ang batikang host at TV personality na si Ferdinand Clemente, mas tanyag sa tawag na Makata ang magsisilbing Quiz Master. Si Makata ay naging bantog sa kanyang nakakaaliw at kahanga-hangang talento sa pagtula sa palatuntunang Talentadong Pinoy ng TV 5. Ang MAKATANONG: Timpalak Ng Mga Gurong Marurunong ay itinatag ni Emil A. Ellamil, isang Bulakenyo na tagahanga ng mga makata at may marubdob na paniniwala sa kakayahan ng mga g**o na manguna sa pagtataguyod ng pagmamahal sa bansa at sa sariling wika.