20/04/2026
BOAC, Marinduque -- Nagsagawa ng virtual benchmarking activity ang technical working committee ng Marinduque State University (MarSU) sa Bukidnon Studies Center ng Bukidnon State University (BukSU) noong Abril 16 bilang bahagi ng plano sa pagtatatag ng Marinduque Island Studies program.
Pinangunahan ni BukSU Director Loreta Sol Dinlayan ang talakayan, habang ibinahagi naman ni Dr. Randy Nobleza ng MarSU ang mga inisyatibo ng unibersidad kaugnay ng sentro para sa kultura at lokal na pag-aaral.
Ibinahagi ng BukSU ang kanilang mga programa tulad ng Institutional Subject 101 sa cultural studies, ethno-cultural museum, library, art exhibits, radio program, at mga pakikipagtulungan sa lokal at internasyonal na institusyon.
Samantala, ipinresenta rin ng MarSU ang mga kasalukuyang proyekto nito gaya ng Sentro ng Wika at Kultura, publications, institutional museum, at Book Nook Marinduque.
Ayon sa MarSU, magsasagawa pa ito ng kaparehong benchmarking activities sa iba pang pamantasan upang higit na mapalakas ang pagbuo ng Marinduque Island Studies program. (via Dr. Randy Nobleza)