09/04/2026
EPISODE 17: AWAKENING
TITLE: ANG PAG-GISING NG NATUTULOG NA KAPANGYARIHAN
Disclaimer:
Ang lahat ng pangyayari, tauhan, pangalan, at mundo sa kwentong ito ay kathang-isip lamang at ginawa para sa storytelling at malikhaing layunin. Maaaring maglaman ang mga episode ng karahasan, madidilim na tema, horror, at matitinding eksena na maaaring hindi angkop para sa mga bata. Patnubay at gabay ng magulang ay inirerekomenda.
Pumikit si Charlotte habang naka-lock-on ang kanyon sa kinaroroonan ng halimaw. Nagsalita siya nang may matinding kalungkutan:
"I miss you, Vulcan."
Sa huling pagkakataon, pumatak ang luha sa kanyang pisngi.
Sa isang iglap, sabay-sabay nilang itinira ang kanilang mga kapangyarihan patungo sa ulo ng halimaw! Ang napakalakas na grey na enerhiya na may koryente mula sa kanyon ng TGE ay gumuhit sa lupa at sa gitna ng guho, papunta sa ulo ng Colossus Rex.
Ang enerhiyang naipon ni Aerin sa magkadikit niyang palad ay kanyang pinakawalan. Kasabay nito, ang apoy na bilog na enerhiya nina Roger at Erza mula sa kanilang bunganga, at ang final spirit shot ni Zaiba ay muling umatungal patungo sa halimaw.
Mabilis itong lumalapit sa halimaw. Nanlaki ang kanyang mga mata sa iba't ibang liwanag na nakikita, handa nang tapusin ang kanyang buhay. Nang magsanib ang lahat ng kapangyarihan, tila naging isang guhit na pinag-sama-sama ang lakas ng bawat isa.
Sa isang kisap-mata, nagbago ang ihip ng hangin. Sumabog sa mukha ng halimaw ang enerhiya, napalibutan ng makakapal na alikabok at usok.
Nang mawala ang usok, seryosong nakatitig sina Aerin, Zaiba, Roger, at Erza sa halimaw. Sa loob ng TGE, nakatutok naman sa kani-kanilang monitor sina Charlotte, Gin, Leo, Chad, at Lei.
At sa wakas, isang nakagugulat na pangyayari ang tumambad:
Sa harap ng Colossus Rex, naka-lutang si Medusa at Bakunawa, nakangiti, protektado ng kanilang ubeng shield. Sa likod nila, nakangiti rin ang Colossus Rex—walang galos, walang kahit isa.
Inilayo ni Charlotte ang kanyang mga mata sa scope ng kanyon ng TGE. Nanlumo siya sa nakita—nanghina ang kanyang mga tuhod at parang nawala ang lahat ng lakas at pag-asa sa katawan niya. Yumuko siya habang nakaupo sa harap ng control panel, at ibinagsak ang kanyang kamao—isang palo lang, pero sapat na para ilabas ang galit at frustrasyon niya. Huminga siya ng malalim at mabigat, ang bawat hininga ay kasabay ng kanyang pag-iyak, punô ng lungkot at pagkabigo. Akala niya noon ay maipaghihiganti niya si Vulcan, pero ngayon, ramdam niya ang kawalang-pag-asa sa buong katauhan niya. Ang mga monitor at holographic displays sa paligid ay kumikislap at nagliwanag, sumasalamin sa bawat galaw ng kanyang emosyon.
Lumapit si Leo kay Charlotte at maingat na hinawakan ang nanginginig niyang balikat.
Tumingin si Charlotte kay Leo habang nakaupo, at sa kanyang mga mata, ramdam ang bigat ng lungkot at desperasyon.
“Tahan na,” wika ni Leo, naka-ngiti, ngunit bakas pa rin ang mga luha sa kanyang mga mata.
Sa isang iglap, tumayo si Charlotte at yumakap kay Leo, umalingaw-ngaw ang kanyang malakas na iyak sa loob ng control room.
Napatingin ang lahat sa dalawa. Si Lei, na nakatingin kay Charlotte, ay walang nagawa kundi yumuko, ramdam ang sakit at bigat na nararanasan niya.
Samantala, sa gitna ng guho…
Mahinang tumawa si Medusa, at lumapag sa balikat ng Colossus Rex. Ngunit di-sadyang natuluan ng mainit na lava ang kanyang balikat. Narinig ang pag-hapdi ng kaniyang balat sabay ang kaniyang pag-ungol:
“Aw…”
Tumingin nang masama si Medusa sa halimaw.
Napatingin ang Colossus Rex kay Medusa, nanlalaki ang mga mata sa takot. Agad na sinampal ni Medusa ang pisngi ng Colossus Rex, at doon ay bumakat ang namumulang palad ng magandang diyosa.
“Aray…” wika ng Colossus Rex habang hawak ang kaniyang pisngi at napayuko na parang batang napagalitan.
Ibinalik ni Medusa ang tingin niya kina Erza at nagsalita nang punong-puno ng kayabangan habang humahalakhak nang mahina:
“Hanggang diyan na lang ba ang lakas ng Reyna ng mga Tigris?”
“Tumahimik ka, Gorgon!” sagot ni Erza habang seryosong nakatingin kay Medusa.
“Nah... masyado mo namang minamaliit ang kakayahan ng isang anak ng diyos at anak ng gorgon,” wika ni Medusa habang nakangisi. “Isa akong diyos na makapangyarihan. Hindi mo ba 'yun matanggap?” dagdag pa nito sabay tawa nang mahina.
Lumutang sa himpapawid si Medusa at tumingin sa mga Gianai na nasa paligid at may kalayuan.
Sa isang iglap, huminto ang mga Gianai sa pagwasak habang kinakalaban ang mga EXB warriors at ang mga sundalo ng pamahalaan. Lahat sila ay napatigil at sabay-sabay na tumingin kay Medusa.
“Hindi ba't gusto ninyong ubusin ang mga lahi ng Guardians?” wika nito nang mahina ngunit umaalingawngaw sa buong paligid.
Muling ibinalik ni Medusa ang kaniyang tingin kay Erza. Isang nakatatakot na ngiti ang gumuhit sa kaniyang labi.
“Oras na para puksain siya,” wika ni Medusa sabay tawa nang mahina.
Naglakad ang mga Gianai patungo sa kinaroroonan nina Erza. Maging ang mga alagad ni Bakunawa ay dahan-dahan na ring lumalapit, pinaliligiran sila mula sa lahat ng direksyon.
Pilit na humanda sa laban sina Erza at Roger upang protektahan ang kanilang mga kasama. Ngunit hindi na ganoon kadali para kina Aerin at Zaiba.
Si Aerin ay hingal na hingal na. Ang kaniyang kapangyarihan ay tuluyan nang nawawala at naglalaho na ang kislap ng kaniyang puting kuryente. Maging ang kaniyang mahabang buhok ay dahan-dahan nang lumiliit at bumabalik sa dati nitong anyo. Ubos na ubos ang kaniyang lakas.
Si Zaiba naman ay nakatitig lamang sa kaniyang sariling mga palad.
‘Dalawang beses ko nang nagamit ang spirit shot ni Zaireen... baka hindi na kami tumagal,’ wika niya sa kaniyang isip habang nag-aalalang nakatingin sa nanghihinang anyo ni Zaireen.
Nakangisi si Medusa at ang kaniyang mga mata ay nanlilisik sa galit. "Ito ang kabayaran sa pagpapababa ng dangal ng mga Gorgon, mga hampaslupang kuting!" sigaw nito.
Tumingin siya sa Colossus Rex at gamit lamang ang kaniyang mga mata ay pinasugod niya ito.
Mabilis na sumugod ang dambuhalang Colossus Rex patungo kay Erza. Sinalubong naman ito nina Erza at Roger upang lumaban. Ngunit nang malapit na si Roger upang atakihin ang halimaw, mabilis siyang sinunggaban ni Bakunawa! Dahil sa lakas ng impact, napatalsik si Roger sa isang guho ngunit agad din itong nakatayo.
Nagtagpo ang mga mata ng mabagsik na tigre at ng dambuhalang serpent dragon na si Bakunawa. Sabay silang nagpakawala ng malalakas na atungal—isang hudyat ng matinding galit at puot sa isa't isa!
Samantala, mabilis na sumuntok ang Colossus Rex upang tuluyang durugin si Erza! Ngunit mabilis na tumalon pataas ang reyna upang makaiwas. Habang nasa ere, ibinuka ni Erza ang kaniyang bunganga at nagbuga ng isang bilog na enerhiya na parang apoy na agad namang tumama sa matigas na dibdib ng higanteng kalaban.
Nanlaki ang mga mata ni Erza. Ang kaniyang apoy ay tumama at lumikha ng mga bitak sa dibdib ng higante, ngunit hindi man lang ito napaatras. Walang narinig na ungol ng sakit mula sa Colossus Rex—bagkus, isang nakatatakot na ngisi ang gumuhit sa mukha nito.
Habang walang kalaban-labang nakalutang sa ere si Erza at pilit na humahabol ng hininga, bumanat ang dambuhalang bra*o ng halimaw.
Isang mabilis at mapangwasak na uppercut.
CRACK!
Yumukod ang hangin sa paligid sa tindi ng impact. Tumama ang higanteng kamao sa sikmura ni Erza, na nagpalabas ng dugo mula sa kaniyang bibig. Ang kaniyang katawan ay tila isang telang pinatalsik ng malakas na hangin.
Sumalpok siya sa isang gumuhong pader ng gusali. Bawat konkretong dinaanan niya ay nagkapira-pira*o hanggang sa bumaon ang kaniyang katawan sa ilalim ng makapal na alikabok at mga bakal.
Isang nakabibinging katahimikan ang sumunod. Walang gumagalaw sa kinaroroonan ni Erza. Tanging ang marahang pagbagsak na lamang ng mga bato ang naririnig, kasunod ng kaniyang mahina at nanginginig na paghinga na unti-unti nang pinapatay ng usok.
Napatigil si Roger. Ang kaniyang mga mata ay nanlilisik sa takot at pag-aalala habang nakatitig sa gumuhong pader kung saan sumalpok ang kaniyang ina.
Ngunit ang pagkalingat na iyon ay hindi pinalampas ng traydor na kalaban. Sa kaniyang gilid, mabilis na gumapang at sumugod ang dambuhalang katawan ni Bakunawa habang nakatalikod ang tigre!
Ibinuka ng Bakunawa ang kaniyang dambuhalang panga na puno ng matatalas na ngipin, handa nang laslasin at lalamunin ang katawan ni Roger.
Sa huling segundo, naramdaman ni Roger ang panganib! Gamit ang kaniyang matitinding instincts, mabilis siyang uminog at tumalon paitaas upang umiwas sa nakamamatay na kagat. Habang bumabagsak sa ere, mabilis niyang ibinuka ang kaniyang bibig.
Isang napakainit at naglalagablab na buga ng apoy ang kaniyang pinakawalan diretso sa mukha ng Bakunawa! Ang init nito ay nagpadilim sandali sa paligid habang sumasabog ang apoy sa kaliskis ng dambuhalang serpent dragon.
Kasunod ng buga ng apoy ay ang mabilis na pag-amba ng nagbabagang kuko ni Roger. Buong lakas niyang ibinaon ang kaniyang mga kuko sa mata ng Bakunawa! Umalingawngaw ang isang nakatutulig na atungal ng dambuhalang ahas dahil sa matinding hapdi at sakit.
Bumagsak si Roger sa lupa at mabilis na lumingon. Nanindig ang kaniyang balahibo, at ang kaniyang mga mata ay nanlaki nang makitang ang dambuhalang Colossus Rex ay dahan-dahang lumalakad papalapit sa gumuhong pader kung saan nakabaon ang kaniyang ina.
Isang matinding atungal ng galit at takot ang pinakawalan ni Roger.
Mabilis siyang sumugod upang harangan ang higante, ngunit bago pa man siya makalapit ay mabilis na pumulupot at sumunod ang nasaktang si Bakunawa. Sa isang iglap, ibinaon ng Bakunawa ang kaniyang matatalas na ngipin sa kaliwang paa ni Roger! Sa tindi ng pwersa, marahas na binalibag at napatalsik si Roger sa isa pang guho.
Bumagsak si Roger, ang kaniyang katawan ay nanginginig sa matinding kirot mula sa sugat sa paa. Ngunit mas masakit ang kaniyang nakikita. Wala siyang magawa kundi umiyak nang mahina habang ang kaniyang mga mata ay nakatitig sa Colossus Rex na dahan-dahang nag-aangat ng kaniyang dambuhalang paa sa ibabaw ng gumuhong gusali—nakaporma nang durugin at tapakan nang buhay ang kaniyang ina na si Erza.
Sa isang kisapmata, dalawang magkaibang enerhiya ang humati sa hangin at tumama nang eksakto sa mga mata ng dambuhalang halimaw! Isang luntiang guhit na may kasamang mabagsik na atungal ng lobo ang bumaon sa kaliwang mata nito, habang ang purong puting kuryente naman ang sumabog sa kaniyang kanang mata.
Napaatungal ang Colossus Rex sa matinding sakit! Napaatras ito habang hawak ang kaniyang mukha na ngayon ay umaa*ok.
Mabilis na lumingon si Medusa sa pinanggalingan ng mga atake. Nanlisik ang kaniyang mga mata, at bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkagulat.
Binaling din ni Roger ang kaniyang nanginginig na paningin sa itaas ng isang gusali. Doon ay nakita niya sina Zaiba at Aerin. Pareho silang nanginginig at halos hindi na makahinga dahil sa huling bwelong ginawa. Tuluyan nang bumigay ang katawan ni Aerin—napadapa na ito sa bubong habang pilit na humahabol ng hininga, wala nang kahit anong lakas na natitira.
Samantala, ang Colossus Rex ay nagsimula nang magwala sa tindi ng kirot. Pasuray-suray ito sa kaniyang paglakad at tila wala nang makita, habang patuloy na umuungal nang nakatutulig sa buong paligid.
Samantala, mabilis na tumalon pababa ng gusali si Zaiba upang sumaklolo. Gamit ang kaniyang natitirang lakas, mabilis niyang hinawi ang mga tipak ng semento na dumagan kay Erza.
Nang mawala ang mga bato, nanlumo si Zaiba sa kaniyang nakita. Dahil sa matinding pinsala at ubos na enerhiya, ang dambuhalang katawan ng reyna ay tuluyan nang lumiit... hanggang sa maging isang maliit na pusa na lamang ito.
Wala itong kamalay-malay. Ang kaniyang maliit na katawan ay puno ng sugat at dahan-dahang lumalaylay ang ulo.
Mabilis itong binuhat ni Zaiba at maingat na niyakap sa kaniyang dibdib upang protektahan. Agad siyang tumakbo palayo habang pilit na iniiwasan ang mga bra*o ng nagwawalang Colossus Rex na patuloy na nagpapabagsak ng mga tipak ng bato sa paligid.
Tumingin si Medusa sa ibaba kung saan nakita niyang tumatakbo si Zaiba sa gitna ng guho habang hawak si Erza na nasa base form na. Tumingin ito sa Bakunawa at gamit ang kaniyang ulo ay sumenyas ito na tapusin na ang dalawa.
Agad na gumapang at sumugod ang Bakunawa kina Zaiba at Erza!
Mabilis naman itong sinundan ni Roger. Kahit nanginginig ang kaniyang sugatang paa, buong lakas pa rin siyang tumakbo upang pigilan ang dambuhalang serpent dragon.
Nang makalapit ang Bakunawa, agad nitong ibinuka ang kaniyang dambuhalang bibig upang sakmalin sina Zaiba! Ngunit sa huling segundo, buong lakas na tumalon si Roger at sumalpok sa ulo ng serpent dragon upang mailihis ang kagat nito palayo sa dalawa.
Napaatras at napaupo si Zaiba sa matinding gulat. Mabilis siyang tumayo at pilit na tumakbo papalayo habang yakap pa rin si Erza. Ngunit hindi pa siya nakakalayo ay napatigil siya.
Sa kaniyang paligid, papalapit na ang makapal na hukbo ng mga Gianai at mga kampon ni Bakunawa. Kinubkob sila ng mga ito mula sa lahat ng direksyon. Sila ay tuluyan nang napaligiran.
Dahil sa wala nang lakas at wala nang matatakbuhan, wala nang nagawa si Zaiba kundi maingat na ibaba sa sahig ang walang malay na si Erza. Hinugot niya ang espada sa kaniyang likod at kinasa ang kaniyang pistol. Huminga siya nang malalim, handang lumaban hanggang sa kaniyang huling hininga.
Nang malapit na ang mga higante at handa nang pumunit ng laman, biglang niyanig ang hangin ng isang kakaibang ugong. Umalingawngaw ang sunod-sunod na malalakas na putok ng baril at mga pagsabog!
Sa itaas, dumating ang kawan ng mga helicopter ng EXB at ng pamahalaan. Tulong-tulong nilang pinaulanan ng mga bala at missile ang mga higanteng Gianai at ang mga kampon ni Bakunawa upang wasakin ang pader ng mga kalaban.
Nang makakita ng pagkakataon, agad na ibinalik ni Zaiba ang kaniyang espada sa likod. Mabilis niyang binuhat uli ang pusang si Erza, tumakbo patungo sa isang malapit na gusali, at nagtago roon. Naka-yuko niyang pinalipas ang gulo habang mahigpit na inaalalayan ang walang malay na reyna.
Isang helicopter ang dahan-dahang huminto sa itaas ng gumuhong gusali. Mabilis na bumaba ang mga elite soldier at maingat na lumapit sa walang malay na si Aerin.
Hinawakan ng isa sa mga sundalo ang kaniyang earphone at nag-ulat sa radyo.
"Sir, walang malay si Captain Aerin. Dadalhin na namin siya para magamot."
Lumingon ang elite soldier sa gilid kung saan nakahiga ang husky na si Zaireen na wala ring malay. Lumuhod ang sundalo at hinawakan ang pulso ng a*o. Nang maramdamang may tibok pa ito, marahan niyang tinapik ang balahibo nito.
"Good boy, uuwi na tayo," mahinang wika ng sundalo.
Maingat niyang binuhat si Zaireen habang ang kaniyang mga kasamahan naman ay binuhat si Aerin. Mabilis silang isinakay sa helicopter upang ilikas palayo sa delikadong lugar.
Narinig ni Zaiba ang pamilyar na tinig ni Lei na umalingawngaw sa kaniyang earphone.
"Kailangan niyo nang umalis diyan. Hawak na namin sina Zaireen at Aerin. Hinihintay ka na ng helicopter sa green zone ng battle area."
"Sige. Papunta na ako," maikling sagot ni Zaiba.
Dahan-dahan siyang tumayo mula sa kinaluluklukan habang mahigpit na nakayakap sa kaniyang dibdib ang walang malay na pusang si Erza. Bawat hakbang niya ay maingat at kalkulado. Pinakikiramdaman niya ang paligid—patuloy na pinagmamasdan ang bawat pag-uga ng lupa at ang mga guho upang masigurong hindi sila mapapansin ng mga halimaw sa kaniyang pag-atras patungo sa ligtas na lugar.
Samantala, matatalim ang titig nina Roger at ng Bakunawa sa isa't isa. Ngunit hindi pa rin nawawala ang madilim na misyon ng dambuhalang ahas na patayin ang reyna ng mga Tigris.
Mula sa itaas, tahimik na nakamasid si Medusa habang nakalutang sa ere. Malamig ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga tao na nakikipagdigma sa kaniyang mga kampon.
"Bakunawa," malamig na wika ni Medusa. "Tapos na ang paglalaro. Ubusin mo ang mga pesteng tao ".
Dahil sa utos na ito, ibinaling ng Bakunawa ang kaniyang dambuhalang paningin sa mga helicopter na umaaligid sa itaas. Sinundan din ito ng tingin ni Roger.
Napagtanto ng tigre ang panganib na kakaharapin ng mga sumaklolo sa kanila. Kahit ika-ika na at nanginginig ang sugatang paa, humakbang pasulong si Roger at nagpakawala ng isang malakas na atungal—handang itaya ang kaniyang buhay para sa mga taong nagligtas sa kaniyang pamilya.
Mabilis na sumugod si Roger sa dragon gamit ang kaniyang mga naglalagablab na kuko at matutulis na pangil. Ngunit sa isang iglap, sinalubong siya ng malakas na hampas ng dambuhalang buntot ng Bakunawa! Napaatras si Roger; pilit niyang ibinaon ang kaniyang mga kuko sa semento ngunit patuloy pa rin siyang naisadsad palayo habang umuusok ang kalsada.
Hindi sumuko ang tigre. Mabilis siyang bumawi at tumakbo nang pa-zigzag hanggang sa maglaho sa paningin ng kalaban, bago biglang lumitaw sa mismong tapat ng mukha ng dragon! Ibinuka ni Roger ang kaniyang bibig at nagpakawala ng napakalakas na apoy na diretsong sumabog sa ulo ng Bakunawa.
Ngunit sadyang napakalakas ng dambuhalang ahas. Sa gitna ng apoy, marahas nitong iniuntog ang kaniyang matigas na ulo sa katawan ni Roger!
Sa tindi ng impact, napatalsik si Roger at bumagsak sa mga guho. Wala na siyang lakas na natitira; nanatili na lamang siyang nakadapa sa lupa habang nanginginig ang buong katawan.
Habang nakaratay ang tigre, mabilis na sumugod ang Bakunawa paitaas. Malupit nitong pinagsasagasaan ang mga helicopter sa ere! Umalingawngaw sa radyo at sa buong paligid ang mga boses ng mga pilotong takot na takot bago tuluyang sumabog ang mga sasakyang panghimpapawid sa gitna ng usok at apoy.
Samantala, mula sa itaas ay nakita na ng mga elite soldier ng EXB sina Zaiba. Sa ibaba, napapaligiran pa rin sila ng mga naglalakihang Gianai at mga kampon ni Bakunawa.
"Target on sight! Open fire!" sigaw ng pinuno ng mga sundalo.
Mabilis na pinaulanan ng mga bala mula sa mabibigat na machine gun ng helicopter ang mga higante. Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok hanggang sa magbagsakan ang mga dambuhalang kalaban sa paligid nina Zaiba.
"Target clear."
Dahan-dahang lumapag ang helicopter sa ligtas na bahagi ng guho. Mabilis na bumaba ang isang elite soldier at pormal na sumaludo kay Zaiba.
"Good to see you again, Commander!" bati nito bago mabilis na binuksan ang pinto ng sasakyan. "Let's go. We need to go back to the base."
Napangiti si Zaiba nang makita si Zaireen sa loob ng helicopter at si Aerin na nakaupo ngunit nakayuko pa rin sa labis na pagod.
"Bumalik tayo sa hot zone. Kailangan nating iligtas si Lanzer," maawtoridad na utos ni Zaiba sa piloto.
"Aye, aye, Ma'am!" sagot ng piloto.
Dahan-dahang umangat ang helicopter at mabilis na lumiko pabalik sa kinaroroonan ng pinakamainit na labanan.
Nang papalapit na sila sa hot zone, sinalubong sila ng malalakas na pagsabog, mga sigaw ng mga piloto sa radyo, at ang nakakangilong tunog ng nayuyuping mga bakal ng mga bumabagsak na helicopter.
Dahil sa tindi ng ingay na yumayanig sa paligid, dahan-dahang nagkamalay sina Aerin at Zaireen, maging ang sugatan at maliit na pusang si Erza. Ngunit sa itaas ng isang gusali sa gitna ng digmaan, nananatili pa ring walang malay si Lanzer—hindi natitinag sa tindi ng kaguluhan sa kaniyang ibaba.
Habang dahan-dahang tumatayo si Roger, nanginginig ang kaniyang buong katawan. Halos hindi na siya makatayo—bawat pag-angat niya ay sinusuklian ng muling pagbagsak sa lupang wasak. Ngunit sa gitna ng kaniyang paghihirap, may naramdaman siya. Isang mahinang awra. Pamilyar at napakalambing. Ang kaniyang ina.
Napaangat ang kaniyang ulo. Dahan-dahan siyang tumingala sa langit—at doon niya nakita ang isang helicopter na dumaraan sa itaas, pilit na umiiwas sa kaguluhan.
Biglang nagdilim ang kaniyang mga mata. Ang kaniyang tingin ay tumalim at tumuon sa Bakunawa na patuloy na winawasak ang bawat helicopter na madaanan nito.
"RAAAAGH!!!"
Isang malakas na atungal ang kumawala mula kay Roger. Sa kabila ng matinding sakit, pilit siyang tumayo at nagsimulang habulin ang helicopter, tila ba kaya niya itong abutin kahit imposible.
Sa loob ng helicopter—nagising ang mga nakakasilaw na pulang ilaw ng babala na sinabayan ng nakatutulig na tunog ng alarm. Napaangat ng tingin si Erza. At doon sa ibaba, nakita niya ang kaniyang anak.
"Roger—!"
Ngunit huli na ang lahat. Isang puting enerhiya ang biglang bumulusok mula sa kadiliman at marahas na tumama sa buntot ng kanilang helicopter!
BOOM!
Nayanig ang buong cockpit. Umikot ito nang marahas sa ere at nawalan ng kontrol. Sa loob, sumasabog ang mga kislap ng kuryente mula sa nasirang dashboard habang sumasabay sa mabibilis na pag-ikot ng pulang ilaw.
Napahawak nang mahigpit sa mga hawakang bakal ang matatapang na sundalo at sina Aerin at Zaiba habang hawak nang mahigpit si Zaireen at Erza handa sa ano mang mang yari.
Habang unti-unting bumubulusok pababa ang sasakyan, umalingawngaw ang huling sigaw ng piloto: "Hold on! We're going down!"
Maya-maya pa, habang nasa ibaba si Roger at pilit na tinatanaw ang bumubulusok na helicopter, tuluyan na itong natakpan ng mga naglalakihang gusali. Ilang segundo lang ang lumipas, umalingawngaw ang isang napakalakas na pagsabog na sinundan ng nakasisilaw na liwanag ng apoy mula sa pinagbagsakan nito.
Napatigil si Roger. Dahan-dahan siyang napayuko habang nanginginig ang buong katawan.
Sa gitna ng kaniyang pagtangis, isang mahina at nanginginig na salita ang biglang kumawala mula sa kaniyang bibig.
"Mama..."
Pumatak ang kaniyang mga luha sa wasak na semento. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagsalita si Roger—isang boses na kailanman ay hindi pa naririnig mula sa mabangis na Tigris.
Umalingawngaw sa ere ang malakas na sigaw ng lumilipad na serpent dragon. Lumingon si Roger paitaas, sabay hagulgol ng mga luha. Habang winawasak ng dragon ang mga lumalaban na helicopter, kitang-kita sa kanyang mga mata ang repleksyon ng malalagablab na apoy, bumabagsak na bakal, at sunod-sunod na pagsabog.
Tahimik siyang nakatitig, mababakas sa kanyang mukha ang matinding lungkot, galit, at pighati.
Biglang nagliyab ang kanyang buong katawan! Nagliwanag ang kanyang mga mata sa apoy, at tuluyang nabalot ng dambuhalang liwanag ang kanyang pigura. Ang hangin ay kumulog sa paligid, at ang lupa ay tila nanginginig sa bawat galaw niya.
Kasabay nito, nagdilim ang paligid.
Samantala, nakahiga si Lanzer, walang malay, nang biglang lumakas ang tibok ng kanyang puso—tibok na kasing lakas ng naggagalit na tambol ng digmaan.
Nakita nya sa kanyang panaginip ang mga alala ng nakaraan. Sa gitna ng nagngangalit na disyerto ng labanan, nakita niya ang isang babaeng may mahabang asul na buhok at isang lalaking may mahabang itim na buhok na may dark blue sa mga dulo. Sugatan silang dalawa at napapaligiran ng panganib.
"Safira, itakas mo na si Lanzer at ang kaniyang guardian!" marahas na utos ng lalaki.
"Pero Shin... paano ka?" nanginginig na tanong ng babae.
"Umalis ka na!" galit na sigaw ng lalaki.
Muling dinala si Lanzer sa sumunod na tagpo. Nakatayo si Shin, mag-isa, sugatan at umiiyak sa gitna ng umaapoy at wasak-wasak na disyerto. Lumuhod siya at sumigaw ng buong pighati:
"Rhio!"
Doon nakita ni Lanzer ang isang puting dragon na pinapahirapan ang isang leong may korona at may gintong baluti. Sa paanan nito, dahan-dahang humandusay ang puting leon—duguan, puno ng malalim na sugat, at tuluyan nang namatay.
Kasunod nito, lumitaw ang isang palasyo na purong ginto. Doon, nakita nyang muli ang lalake at ang babae na nakatali ng kadena. Biglang naglabas ng apoy na espada ang lalaki sa kanyang kamay at pinutol ang mga kadena. "Hindi ninyo kami magiging alipin," sigaw niya, habang ang apoy mula sa espada ay bumalot sa kanila at nagpasiklab ng liwanag.
Ngunit sa isang iglap, sila ay naging bato nang itaas ni Medusa ang kanyang kamay. Ang kanyang mga mata ay nagliwanag, at ang mga ahas sa kanyang ulo ay nanlilisik, sabay nagbukas ng mga bibig na tila nagngangalit.
Muling dumilim ang paligid sa isip ni Lanzer.
Biglang dumilat ang kanyang mga mata, na nagliliwanag sa apoy. Napapasigaw siya, tila nahihirapan kontrolin ang nagwawalang lakas sa katawan. Unti-unti, nagbago ang kanyang anyo—ang buhok ay nagliyab sa kulay apoy at humaba nang mabilis bago biglang naglaho ang anyo ng apoy na buhok. Ang kanyang kasuotan ay naging itim, may nagbabagang marka ng apoy sa dibdib. Sa bawat galaw, ang lupa ay nanginginig, at ang hangin ay sumisigaw sa lakas ng enerhiya niya. Sa isang iglap, sumabog ang napakalakas na liwanag mula sa kanyang katawan, umaabot sa kalangitan!
nang mawala ang liwanag ay naka tayo si lanzer, kulay apoy ang buhok at mahaba, ang kanyang pisngi ay may tatlong kulay apoy na guhit sa magkabilaan at ang kanyang kasuotan ay nag bago , nag karoon din sya ng pakpak na apoy.
Kasabay nito, mula sa kinaroroonan ni Roger, nagningas ang kanyang golden armor. Ang kanyang buong anyo ay nagliliyab sa galit at kapangyarihan, at ang mga mata niya ay sumisindi na parang apoy na handang tunawin ang lahat sa paligid. Ang lupa at hangin sa paligid ay nagpakita ng epekto ng kanyang bangis—bumibiyak ang bato, umaapaw ang enerhiya, at halos naririnig ang sigaw ng kapangyarihan nila dalawa sa buong paligid.
Ang mundo sa kanilang paligid ay tila nagigising sa kanilang lakas. Ang tunay na kapangyarihan nina Lanzer at Roger ay tuluyang bumangon—hindi na mapipigil, hindi na maitatago. Ang liwanag, apoy, at enerhiya nila ay nagtagpo sa gitna ng digmaan, handang guluhin at baguhin ang bawat puwersa sa kanilang harapan.
Sa itaas si Medusa ay hindi makapaniwala sa nakikita ng kanyang mga mata maging ang bakunawa at ang collossus rex ay napa hinto at naka titig sa kinaroroonan nila. kahit walang makita ang collossus rex ay ramdam nito ang napakalakas na awra.
🔥 TO BE CONTINUED… 🔥
⚡ UP NEXT ON THE LAST MYTH AWAKENING ⚡
Nakatitig si Medusa kay Lanzer, bakas sa kanyang mukha ang labis na pagkagulat.
Tahimik si Lanzer, tinititigan ang kanyang palad habang dahan-dahang binubuo at binubuksan ang kamao, para sukatin ang kanyang lakas.
Biglang tiningnan ni Lanzer ang Colossus Rex. Sa isang iglap, nakaramdam ang halimaw ng matinding gulat. Sa susunod na segundo, mabilis na sumugod si Lanzer—bigla siyang naglaho at lumitaw sa harapan ng Colossus Rex.
Sa isang mabilis na galaw, pinitik ni Lanzer ang katawan ng dambuhalang halimaw. Para bang huminto ang oras—ang katawan nito ay durog-durog, at sa gitna ng impact, lumitaw ang isang malaking butas sa dibdib ng Colossus Rex.
Halos mapa-yuko ang halimaw sa tindi ng tama, at mula sa kanyang bibig, umapaw ang lava, sabay-sabay ang pag-iyak ng lupa sa galit ng kapangyarihan ni Lanzer.
✨ **The full next episode is available exclusively on PDF!** >
💖 *Any amount of donation is deeply appreciated and will directly help in continuing the production of this story.*
🎧 **For FREE:** You can check out the official theme songs of *The Last Myth*, together with stunning character visuals and immersive voice narrations!
📩 *To get your copy and access the free media, just send a message to:*
💙 **The Last Myth** Blue App page or **Lanzer Fury** Blue App page.
THE LAST MYTH • AWAKENING
"Kung magkasala man ako sa mata ng Diyos dahil sa kwentong ito na aking ginawa, ay lubos kong tatanggapin."
Copyright:
© 2025–2026 All rights reserved. Lahat ng tauhan, pangalan, visuals, kwento, at konsepto ay pag-aari ni Lanzer Fury.