01/03/2017
"KARAKOL"
(Colored Pencils and oil pastels on oslo paper, completed February 21, 2017)
Ang salitang "Karakol" ay hango mula sa Kastilang salitang "Caracol" na ang ibig sabihin ay "takbong kuhol" ( "at a snail's pace") dahil ang prusisyong ito ay medyo mabagal ang takbo. Bakit? Dahil ang mga deboto na sumasama sa isang Karakol ay hindi naglalakad kundi SUMASAYAW --- PATI ANG IMAHEN NG SANTO, SINASAYAW SA DAAN!
Ang Karakol ay isang ritual na pasayaw na prusisyon na tradisyon ng mga Caviteno, pero kumalat na ito at sadyang ginagawa na sa karatig pook. Ginagawa ito tuwing bisperas ng isang Pista, na kung saan, ang pinagkakapitagang Santong Patron o Patrona ( kagaya sa larawang ito, imahen ng Mahal na Birhen) ay nilalagay sa isang Andas na gayak ng mga bulaklak. Pinapasan ito at sinasayaw ng mga deboto sa saliw ng isang banda musiko na tumutugtog ng musika sa tempo o saliw ng "Pandanggo". May iba't ibang moves na ginagawa ng mga mamamasan sa Andas --- minsan ito ay wari'y dinuduyan, minsan iniikot, at ang pinaka-medyo spectacular na move, ang Andas ay "sinasalok-salok" sa daan ---- halos sumadsad sa kalsada ang Andas, at ito ay isi-swing paitaas ---- kagaya ng nakikita ninyo sa larawan.
Ang mga sumasama sa Karakol, ay minsan naka suot tradisyonal na Balintawak, minsan Baro't saya sa mga babae at isang Kamisade Chino, na may bandana sa mga lalaki, minsan naka- barong tagalog pa minsan ----- pero sa panahon ngayon, naka- maong at T-shirt ang karamihan.
Habang sinasayaw ang Patron o Patrona sa Karakol, kadalasan na minsan na nagsasaboy ng bulaklak ang mga deboto, minsan kendi, minsan barya pa nga ---- may iba naman na nagsisindi ng mga kwitis at iba pang mga paputok, upang pasayahin pa ang okasyon at ipagbigay alam sa mga tao kung nasaan na ang Andas.
May mga lugar sa Cavite,lalo na sa mga lugar na katabing dagat katulad ng Cavite City at Rosario, ang Karakol ay nahahati sa dalawang bahagi --- ang "Karakol del Mar" o KArakol sa dagat --- kung saan ang Patron /Patrona ay dinadala pa sa mga bangka sa dagat at nililibot pa sa dagat --- at ang "Karakol dela Tierra" ang Karakol sa lupa, na kung saan, sinasayaw ang PAtron / Patrona pagkatapos ng "Karakol del Mar".
Ayon sa isang tanyag na bahagi ng Kasaysayang Pangkultura ng Cavite, ang ritual ng Karakol ay nagsimula daw sa bayan ng Rosario, na kung saan namimintuho ang taumbayan sa isang matanda nang dibuho ng Mahal na Birhen na kung tawagin ay Nuestra Senora dela Santo Rosario de Caracol. KInakarakol na ng mga tao ang larawang ito ng Mahal na Birhen, sa kanyang Kapistahan sa Oktubre. Inilalagak ang larawan ng Reyna ng Karakol sa isang malaking Andas na punong puno ng mga bulaklak, at sinasayaw sa daan ( Karakol dela Tierra) at may isang yugto ng Karakol na kung saan sinasakay ang BIrhen sa isang malaking Bangka, sa dagat ng Rosario. Sinusundan ito ng maraming mga bangka na lulan lulan ng mga deboto ( Karakol del Mar) Pagkatapos nito, binabalik sa pantalan ang Birhen at sinasayaw pabalik ng Simbahan. Ayon sa kuwentong ito, dito na rin kumalat ang rituwal ng Karakol mula sa bayan ng Rosario, hanggang sa halos lahat lahat na ng Sulok ng Cavite, at mga karatig na bayan at lalawigan.