03/09/2026
SCHOOL NEWS | LARO, SIGLA, AT PAGKAKAISA: Progreso Village National High School, SUMIKLAB SA INTRAMURALS 2026
Puno ng sigla, pagkakaisa, at paligsahan ang Progreso Village National High School sa pagbubukas ng Intramurals 2026 ngayong Setyembre 3, 2026, na nilahukan ng mga mag-aaral, alumni, magulang, at iba pang stakeholders ng paaralan.
Sinimulan ang dalawang-araw na paligsahan alas-5:30 ng umaga sa pamamagitan ng isang Fun Run, kung saan sama-samang tumakbo ang mga miyembro ng school community bilang pagpapakita ng suporta sa programa at pagtataguyod ng aktibong pamumuhay.
Matapos ang Fun Run, isinagawa ang isang makulay na parada na pinamunuan ng mga banda at nilahukan ng mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 10. Kapansin-pansin ang masiglang pagsuporta ng bawat pangkat habang ipinagmamalaki ng mga mag-aaral ang kanilang mga koponan. Sinundan ito ng Entrance of Colors na pinangunahan ng Progreso Village National High School Senior Scouts.
Nagbigay-kulay at musika sa seremonya ang Progreso Village National High School Music Ensemble sa pag-awit ng Philippine National Anthem, na sinundan ng Doxology at Welcome Remarks.
Isinagawa rin ang Banner Raising ng bawat Baitang, na sinundan ng Galaw Pilipinas na itinanghal ng mga piling Progresonians. Bilang simbolo ng pagkakaisa at makabuluhang paligsahan, isinagawa rin ang Lighting of the Torch of Peace and Friendship.
Matapos ang mga seremonyang ito, pormal na isinagawa ang Declaration of the Opening of Intramurals 2026. Nagkaroon din ng Oath of Amateurism, na pinangunahan ng kinatawan ng mga manlalaro, at Oath of Officiating, na pinangunahan ni Sir Daryl Jade Polinia, Sports Coordinator, bilang bahagi ng pagtitiyak ng patas at maayos na kompetisyon.
Nagkaroon din ng School Launching of Nestlé Wellness, na sinundan ng Dancercise at Zumba na nilahukan mga piling mag-aaral ng Progreso Village National High School Community, bilang pagsuporta sa kalusugan at aktibong pamumuhay.
Bilang pagtatapos ng seremonya, nagbigay ng Closing Remarks si Ma. Grace Hipty, Coach, bago isinagawa ang pag-awit ng Alma Mater ng buong Progreso Village National High School Community.
Pinangunahan naman nina Ma’am Ruth V. Alimane at Sir Joesem J. Presquito ang buong programa bilang mga tagapagdaloy ng programa.
Sa pagbubukas ng Intramurals, hindi lamang kompetisyon ang tampok kundi ang pagpapahalaga sa sportsmanship, disiplina, pagkakaisa, kapayapaan, pagkakaibigan, at kalusugan. Pagkatapos ng opening program, nagtungo ang mga kalahok sa kani-kanilang larangan upang makipagtagisan sa iba’t ibang paligsahan tulad ng basketball, volleyball, billiards, chess, sepak takraw, at Mobile Legends.
Magpapatuloy ang mga kompetisyon hanggang Setyembre 4, 2026, kung kailan nakatakdang magtapos ang dalawang-araw na Intramurals.
Sa bawat laro, panalo man o matalo, dala ng Progresonian ang mahalagang aral na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa tropeo o medalya, kundi sa pagkakaisa, respeto, determinasyon, at pusong ipinamalas sa bawat laban.