03/06/2025
"At sa paglisan mo, hihintayin ko ang pagbabalik mo"
By:
At sa paglisan mo, hihintayin ko ang pagbabalik mo
Ilang araw man ang dumaan, ilang buwan na ang nagdaan, ilang taon na pala mula ng ika'y lumisan.
Maraming nangyari mula nong nawala ka sa aking tabi, nawala ang tunay na ngiti sa aking mga labi, kailan ka ba babalik? Bulong ng nanlulupaypay kong damdamin.
Bawat segundo, minuto nagbabakasakaling ako'y babalikan mo, nagbabakasakaling ako'y naaalala mo. Bawat sandaling pagbubukang liwayway tanging hiling na ika'y akin ng masilayan, sa bawat sandaling mga tala muli'y aking nakikita kay sarap sa pakiramdam na Ikaw ang aking kasama.
Kay tagal na rin pala no? Naaalala mo pa kaya ako? Naaalala mo pa ba ang sinumpaang ikaw lang at ako? O kinalimutan mo na sabay ng paglisan mo?
Araw araw nasasabik pa rin sa'yo ang puso ko sinta, kailan ka ba magpaparamdam? Kailan mo ba ipapadama na ika'y nandyan pa? Kailan ko ba mararamdaman ang apoy ng iyong pagsinta?
Siguro nga'y ako na lang ang umaasa, patuloy pa ring binubuo ang mga piraso ng pagsinta na nawasak na. Patuloy pa ring kumakapit sa pangako na unti unti ng lumalabo.
Para akong baso at ika'y tubig, na nong ika'y naglamig nawala ang linaw ng iyong pag-ibig. Para kang araw sa gabi, para kang tala sa umaga, na hindi kita ng aking mga mata. Haplos mo'y unti unti ng nawawala, pabango mo'y hindi ko na naaalala, ngiti mong hindi ko na nasilayan pa.
At kung sakaling ikaw ay magbalik, tatanggapin kita ng may halong pananabik, hindi sasayangin ang pagkakataon na puso ko'y muling mabuo, at h'wag sanang ipagkait ng panahon na mukha mo'y masilayan ko.
Subalit pagkakataon ay wala sa tamang panahon, hinintay kita, ngunit naghihintay pala ako sa wala.