18/06/2026
FEARLESS FAITH IN A FEARFUL WORLD
Matthew 10: 26-33
26 '"Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad, o nalilihim na di mabubunyag."
27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan.
28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo'y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.
29 Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa àkanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama.
30 Maging ang buhok ninyo'y bilang na lahat.
31 "Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.'
32 '"Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."
33 "Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.'
Takot! Marami tayong bagay na kinatatakutan. Sino ba naman ang wala? May ilan sa atin takot sa katapusan. May takot sa tubig, takot sa saradong lugar, takot sa maraming tao, takot sa duktor lalo na dun sa injection, takot humarap sa salamin (lalo na’t sarili nila ang kanilang makikita, hehe!)... takot magsalita in public, takot magutom (sa mga walang kahilig-hilig sa pagkain!)... meron din namang mga tinatawag na takusa o yung mga mister na takot sa kanilang asawa. (Ay, Happy Fathers day nga pala sa darating na Sunday)
At isa pang matinding kinatatakutan ng maraming tao ay ang pagkatakot sa kamatayan!
Minsan may isang puno ng mangga na hitik na hitik sa bunga ang tinatanaw ng isang lalaki. Naglakas loob itong nanghingi sa may-ari, ng kahit tatlong piraso.
Ganito ang tugon ng may-ari. Nasaan ka nung itinanim ko ang manggang iyan, nasaan ka nung dinidiligan ko ang punong iyan, nasaan ka nung nilalagyan ko ng pataba ang puno ng manggang iyan? Tapos ngayon ay basta ka lang hihingi. Ito naman ang tugon nung lalaki, wala nga po ako nung panahon na itinanim nyo ang manggang iyan. Wala nga ako nung dinidiligan at nilalagyan nyo ng pataba ang puno ng manggang iyan, dahil noong mga panahon na iyon ay nakakulong ako sa Muntinlupa, dahil nadisgrasya ko ang aking kapitbahay doon sa aming probinsya, dahil sa sobra nitong kadamutan.
Nang marinig ito ng may-ari ng puno ng mangga, halos himatayin ito sa takot at agad itong kumambyo, at sinabing: "Naku iho... anong akala mo sa akin? Bakit tatlong piraso lang ang hinihingi mo, dapat tatlumpo na!" hehehe...
Pero ang totoo, sino nga ba dito sa atin ang di takot sa kamatayan? Kung maari nga ay wag na nating isipin at pag-usapan ito. Pero sa ating pagbasa ay magugulat tayo sapagkat sinabi ni Jesus na: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa." Oo nga naman. Nakakatawang tingnan na napakarami nating pag-iingat na ginagawa para sa ating katawan ngunit napakaliit para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Pansinin mo ang mga advertisements sa tv at maging sa social media... hindi ba't lahat ay para sa kapakanan ng katawan? Wala pa akong nakikitang commercial kung papaano ililigtas ang ating kaluluwa.
Sa ating pagninilay sa araw na ito, aalamin natin ang ilang mga kadahilanan kung bakit hindi tayo dapat matakot.
Fearless Faith in a Fearful World:
I. WE ARE ROOTED IN GOD'S POWER
- Sa Jeremiah 20, mababasa natin dito ang naging karanasan ng isang lingkod ng Diyos na si Prophet Jeremiah.
- Sa kabila ng kanyang paglilingkod sa Diyos, may mga taong nakapaligid sa kanya na naghihintay ng kanyang pagkakamali. Pinagtaksilan siya ng mga kaibigan, kinutya ng mga tao, at nais siyang patahimikin. Maraming dahilan para siya ay matakot. (Kwento mo din ito)
- Ngunit sa halip na umasa sa kanyang sariling lakas, umasa siya sa kapangyarihan ng Diyos.
- Ang sabi niya sa Jeremias 20: 11 Subalit ikaw'y nasa panig ko, Yahweh, malakas ka't makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman. Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi. Mapapahiya sila habang panahon, at ito'y hindi na makakalimutan.
- Madalas, nadadaig tayo ng takot kapag pakiramdam natin ay tayo lang ang lumalaban.
• Tayo lang ang nagdadala ng problema.
• Tayo lang ang naghihirap.
• Tayo lang at wala tayong kakampi.
- Ngunit sinabi ni Jesus: "Do not be afraid."
• Hindi dahil malakas tayo.
• Hindi dahil kaya natin.
• Kundi dahil ang Diyos na kasama natin ay mas dakila kaysa anumang kinatatakutan natin. He is a powerful God.
- Ang takot ay nakaugnay sa kawalan ng pananampalataya at pagkilala sa magagawa ng Diyos. When we are afraid, we are not trusting God at ang nangyayari pa mas mukhang lumalaki pa yung tingin natin sa problema kaysa sa Diyos.
- Fear is one of the main weapons that the enemy uses para pahirapan tayo, i-torture tayo at maglagay ng mga negative feelings sa ating buhay.
- The devil will let you focus on the lies that he has made, para tuluyang matuon tayo sa takot.
- Ano nga ba ang meaning ng FEAR?— False Emotions Appearing Real.
- Fear makes you think that the worst will happen! At diyan pumapasok ang kaaway—parang may hawak siyang magnifying glass na nagpapalaki sa bawat problema, bawat pagkukulang, at bawat panganib hanggang sa magmukhang wala nang pag-asa. Ngunit hindi lahat ng iniisip nating mangyayari ay totoo. Kaya nga tinawag si Satanas sa Biblia na “ama ng kasinungalingan,” dahil mahilig siyang magtanim ng duda, pangamba, at mga kasinungalingang naglalayo sa atin sa katotohanan at mga pangako ng Diyos.
- Pansinin nyo, yung time na ang mga alagad ay inabot ng bagyo sa gitna ng laot, nagpa-panic na sila dahil pakiramdam nila ay lulubog na sila. Masyado nilang pinalaki yung bagyo. But look at Jesus, natutulog. Hindi Niya ba alam ang mga nangyayari?
- Yung isang alagad di nakatiis, ginising siya, at ang sabi sa kanya. "Hindi nyo ba alintana, lulubog na tayo?" Pero si Jesus, chill lang. Bakit? — Dahil hindi Siya doon naka-focus sa ga-building na alon or sa signal number 5 na bagyo. Nakatingin Siya sa kalakihan at kapangyarihan ng Ama. That's why, walang puwang sa Kanya ang takot. He is too focused on the Father.
- At ito ang kailangan nating faith. Faith that can smile kahit nasa bagyo.
- Kapag may problema sa pamilya, kapag may karamdaman, kapag may pagsubok sa ministry, huwag umasa lamang sa sariling kakayahan. Be Rooted in God's Power.
- Ang taong umaasa sa Diyos ay hindi nadadaig ng anumang unos.
II. WE ARE RESTED IN GOD'S PRESENCE
- Ang Psalm 69 ay isa sa mga pinaka-emosyonal na Salmo ni Haring David. Inilalarawan nito ang kanyang mga naging karanasan Matinding pagdurusa. Rejections ng mga tao. Paninirang-puri. At pag-uusig dahil sa kanyang katapatan sa Diyos
- Kaya ang sabi niya sa Psalm 69: 8 Sa mga kapatid parang ako'y iba, Kasambahay ko na'y di ako kilala.
- Ngunit sa gitna ng kanyang paghihirap, hindi siya lumayo sa Diyos.
•Mas lalo siyang lumapit sa Diyos.
•Mas lalo siyang nanalangin.
•Mas lalo siyang nagtiwala.
- Dahil batid niyang kakatagpuin siya ng Diyos.
Awit 69: 33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, Lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
- David was rejected, yet he continued to trust God. Jesus was rejected, yet He remained obedient to the Father. Tayo man ay maaaring ma-reject, maliitin, o hindi maintindihan ng mga tao, pero huwag nating hayaang mawala ang ating tiwala sa Diyos.
- Balikan natin ang sinasabi sa ebanghelyo, verse 31 "Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.
- Sino dito sa inyo ang mga magulang na? Hindi magugulang ha. Diba as a parent, mahal natin ang ating mga anak, we will do everything for the sake of our children, gagawin natin ang lahat para sa kapakanan ng ating mga anak. Para mapalaki sila, mabuhay at mapag-aral. Totoo ang sinasabi ng mga matatanda noon, na kapag magulang ka na, isusubo mo na lang, ibibigay mo pa sa iyong mga anak.
- Pero, gaano man natin kamahal ang ating mga anak, nakakatiyak ako na wala pa sa atin ang nakabilang na ng buhok ng kanyang anak, sinubukan nyo ba yon?
- Siguro, yung gupitan o kaya ay talian at tirintasan, pero yung bilangin—Wala diba?
- Pero sa Bible, sinasabi sa ating ebanghelyo na ang ating Ama ay alam Niya ang bilang ng ating mga buhok.
- Ibig sabihin kapatid, ang bawat detalye ng buhay natin, maliit man yan o malaki, alam ng Diyos yan. He knows exactly kung anuman ang iyong sitwasyon at kalagayan.
- Kapag ikaw ay nasasaktan, kapag ikaw ay umiiyak, kapag hindi mo na alam ang gagawin— Rest on God's Presence
- Kapag ang buhay ay puno ng sakit at pangamba, huwag kang tumakbo palayo—lumapit ka sa Diyos, dahil sa Kanyang yakap nagsisimula ang tunay na kapayapaan.”
III. WE ARE REWARDED BY GOD'S FAVOR
- Mga kapatid, ang ikatlong dahilan kung bakit tayo fearless ay hindi lang dahil malakas ang Diyos… o dahil malapit tayo sa Kanya… kundi dahil tayo ay nabubuhay na nasa ilalim ng Kanyang favor.
- Ang God’s favor ay ang special kindness, approval, at active blessing ng Diyos sa isang tao na hindi base sa kanyang kakayahan, kundi dahil sa Kanyang grace.
- Kapag may favor ka ng Diyos:
• Hindi man perfect ang buhay, pero nakikitq mo ang unti-unting pag-aayos ng Diyos sa bawat aspeto ng iyong buhay.
• May problema ka, pero di ka nadadaig, dahil may kasama kang Diyos.
• Hindi ka laging strong, pero binibigyan ka Niya ng lakas.
• Rejected ka man, pero ramdam mo ang pagtanggap sa'yo ng Diyos.
- Sa Romans 5, ipinapakita dito ang pabor ng Diyos.
Roma 5: 12 Ang kasalana'y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.
- Ibig sabihin: tinanggap ka ng Diyos hindi dahil perfect ka, kundi dahil kay Jesus.
- Kaya may paalala ang Panginoong Jesus sa Mateo 10: 32 'Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."
- Ito naman ang challenge sa atin ngayon, na nakatanggap ng Kanyang favor. — Ang patuloy pakita at ipahayag natin na si Jesus ang Panginoon ng ating buhay. Hindi mo deserve, pero ibinibigay pa rin ng Diyos.
Manalangin Tayo:
Panginoong Jesus,
Sa oras na ito, lumalapit kami sa Iyo nang buong pagpapakumbaba.
Marami sa amin ang may dalang takot, sakit, pag-aalala, at mabibigat na pasanin.
Ngunit ngayon, sa Iyong makapangyarihang pangalan, pinipili naming magtiwala sa Iyo.
Ama, hipuin Mo ang bawat pusong sugatan. Yakapin Mo ang bawat taong umiiyak sa katahimikan.
Sa pangalan ni Jesus, hinihiling namin ang kagalingan para sa mga may karamdaman. Hipuin Mo ang kanilang katawan. Palakasin Mo ang kanilang mga buto, laman, dugo, puso, baga, at isip.
Panginoon, kung may sakit na hindi kayang gamutin ng tao, walang imposible sa Iyo.
At ngayon, sa pangalan ni Jesus, pinuputol namin ang anumang tanikala ng takot, depresyon, pagkabalisa, galit, kapaitan, at panghihina ng loob.
Lumayas ang bawat espiritu ng takot. Lumayas ang bawat gawa ng kadiliman.
Hayaan Mong maranasan ng Iyong bayan ang kapayapaan, kalayaan, at kagalakan ng Espiritu Santo.
Panginoon, palitan Mo ng pananampalataya ang aming takot. Palitan Mo ng lakas ang aming panghihina. Palitan Mo ng pag-asa ang aming kawalan ng pag-asa.
At sa pag-uwi namin ngayon, dalhin namin ang katiyakang ito:
Hindi kami nag-iisa. Hindi kami pinabayaan. Hindi kami nakalimutan ng Diyos.
Sa makapangyarihang pangalan ni Jesus.
Amen at Amen.