18/11/2025
“Sa Pusong Hindi Maaaring Pilitin”
Gusto kong lagi kang masilayan—
gaya ng araw na hindi ko kailanman hinihiling ngunit laging dumarating,
liwanag na kusang dumadampi sa aking pagod na mundo,
at biglang nagiging payapa ang lahat kapag ikaw ang naroon.
Gusto kitang yakapin sa tuwi-tuwina,
iyong yakap na naghihilom ng takot,
iyong init na tila nagsasabing
“nandito lang ako,”
kahit hindi mo naman binibigkas.
At kung maaari lang,
gusto kong ipunin ang lahat ng lakas ng loob
para sabihin sa’yo nang buong tapat:
mahal kita—
sa paraang hindi ko maipaliwanag,
sa lalim na hindi ko maabot,
sa tahimik na pagsuyo
na araw-araw ko na lamang tinatanggap na totoo.
Ngunit alam ko rin
na hindi ako dapat sumiksik
sa puwang na hindi mo iniaalok,
hindi ako dapat pumagitna
sa kwentong hindi ako ang bida,
hindi ako pwedeng maging pahina
sa librong hindi mo balak buksan.
Dahil ang pag-ibig,
kahit gaano siya katapat,
hindi dapat ipinagduduldulan,
hindi dapat ipinipilit
para lang mabigyan ng pangalan.
Kaya pinipili kong manatiling tahimik,
panatilihing buo ang distansya
na ikaw mismo ang gumuhit.
Pinipili kong igalang
ang landas na hindi mo ako isinama,
kahit sarili kong puso
ang palaging natitira sa hulihan.
At kahit minsan sumusugat
ang bawat pag-iwas mo,
pinapawi ko ang sakit
sa pag-unawang hindi lahat ng gusto ko
ay akin dapat makamtan.
Kaya’t ngayon,
masaya na akong maging anino mo—
hindi nakakasagabal,
hindi nang-aagaw ng liwanag,
nanonood ka lamang
sa distansyang hindi masakit para sa’yo,
kahit ako’y unti-unti nang nauupos.
At kung sakaling dumating ang araw
na tumingin ka sa aking direksyon,
naisip mong may isang pusong
hindi kailanman nanghinayang mahalin ka,
hindi kailanman lumayo kahit hindi mo tinawag—
nandito lang ako,
hindi nagaangkin,
hindi nanghihingi,
nagmamahal lamang
sa paraang hindi ka kailanman inipit.
At kung hindi man iyon dumating,
tanggap kong minsan
sa pag-ibig, may mga taong
minamahal lang natin mula malayo—
at iyon na ang pinakatapat na paraan
para hindi sila masaktan.