12/01/2026
Hindi Ko Rin Alam
May mga tanong na hindi nila tinanong,
at mga sagot na hindi ko rin alam.
Kapag sinabi nilang “Ano bang gusto mo?”
ngumiti lang ako—
dahil kahit ako, hindi sigurado.
Hindi ako nangarap nang malakas.
Hindi ako humiling para sa sarili.
Sanay akong tumingin sa iba,
kung ano ang kulang nila,
kung saan ako pwedeng sumalo.
Ang alam ko lang: gusto kong tumulong.
Kahit mapagod, kahit maubos.
Kahit walang makapansin
na unti-unti akong nawawala
sa gitna ng pagiging “kailangan.”
Mabigat pala ang walang gustong ipaglaban
para sa sarili—
dahil paano mo hihilingin ang pahinga
kung hindi mo alam
kung saan ka dapat huminto?