15/09/2025
PRESS STATEMENT
MGA PANAWAGAN NG PAGKILOS SA LUNETA SA SETYEMBRE 21
Tama na ang walang katapusang sistema ng korapsyon.
Sawa na kami sa mga lider na nagpupugay sa “resilience” ng mga Pilipino para pagtakpan ang pinapasan naming hirap dulot ng kanilang korapsyon.
Suya na kami sa bardagulan ng mga pulitiko na ang ending ay sila sila rin ang naghahatian sa gabundok na kayamanan.
Aalsa kami sa Setyembre 21 sa Luneta para isigaw: TAMA NA! Itigil ang kurakot! Lahat ng sangkot, dapat managot!
Ang aming mga panawagan:
1. Alisin sa pwesto, panagutin at ikulong ang LAHAT ng sangkot sa maanomalyang flood control projects at iba pang pangungurakot mula kay Duterte hanggang kay Marcos.
2. Ibalik ang ninakaw na pera ng bayan! Bawiin ang mga luxury cars, mamahaling relo, signature bag at designer clothes ng mga korap na kontraktor, opisyal at pulitiko. Ang yamang binawi, ilaan sa kalusugan, edukasyon, pabahay, kompensasyon sa mga nabaha.
3. I-abolish ang lahat ng pork barrel funds at sikretong confidential and intelligence funds.
4. Buksan ang Statements of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng LAHAT ng government officials at papirmahin ng waiver para masilip ang kanilang mga bank account at ari-arian. Hindi sila dapat covered ng Bank Secrecy Law.
5. Ilabas ang lista at i-ban ang mga kontraktor at supplier na sangkot sa katiwalian at may kaugnayan sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno. Ilagay sa internet ang lahat ng bidding documents at kontrata ng gobyerno, pati mga presyo ng materyales at serbisyo, para mabusisi at ma-audit ng taumbayan.
6. Buwagin ang "small group" sa Kongreso at ibukas sa publiko ang buong records ng mga budget hearing at bicameral conference committee.
Wakasan ang paghahari ng mga political dynasty at korap na sistema ng gobyerno.