03/05/2026
URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!
Matagumpay na nailunsad ang Araw ng Manggagawa noong Mayo 1 sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, kung saan daan-daang manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, maralita, at iba pang sektor ng ating lipunan ang nagkaisa at sama-samang nagmartsa upang igiit ang ating mga batayang karapatan at makatarungang kahilingan. Sa gitna ng tumitinding krisis pang-ekonomiya, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at nananatiling mababang pasahod, muling ipinakita sa pagkilos na ito ang lakas ng uring manggagawa sa pakikibaka laban sa mababang sahod, kontraktwalisasyon, at patuloy na pagyurak sa karapatan sa maayos at disenteng trabaho.
Hindi hiwalay ang krisis na kinakaharap ng mga manggagawa sa krisis na nararanasan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa kanayunan. Pareho silang binabayo ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, abono, at iba pang input sa produksyon, habang nananatiling mababa ang kita at walang kasiguraduhan ang kabuhayan.
Patuloy na lumalala ang kalagayan ng agrikultura dahil sa tumataas na gastos sa produksyon at kakulangan ng tunay na suporta mula sa estado. Dahil dito, maraming magsasaka ang napipilitang magbawas ng taniman, malugi sa ani, o tuluyang lumubog sa utang upang maipagpatuloy ang produksyon. Kasabay nito, nananatiling hindi sapat ang paglikha ng disenteng trabaho sa bansa, na nagpapakita ng isang lumalalang krisis sa paggawa na hindi simpleng “pagbagal” ng ekonomiya kundi isang istruktural na problema na ugat ng malawakang kahirapan.
Sa ilalim ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr. at ng mga kasapakat nitong naghaharing-uri, mariing kinokondena ng mga progresibong sektor ang patuloy na paglala ng militarisasyon sa kanayunan at ang paggamit ng pwersa ng estado upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng sambayanan. Sa halip na ituon ang pansin sa pagpapaunlad ng batayang serbisyo at pagpapatupad ng mga patakarang tunay na nagsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino, mas pinili ng estado na palalimin ang ugnayan nito sa imperyalismong Estados Unidos sa pamamagitan ng mga kasunduang gaya ng Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement, gayundin ang malawakang presensya ng mga EDCA sites at ang malalaking joint military exercises gaya ng Balikatan Exercises. Sa ganitong kalagayan, lalo pang isinasailalim ang bansa sa dayuhang interes at gera, habang ang pondo at atensyon ng estado ay inililihis mula sa serbisyong panlipunan tungo sa makinarya ng panunupil at digmaan.
Kasabay nito, patuloy ding nakikita sa pandaigdigang konteksto ang agresibong mga aksyong militar ng Estados Unidos at Israel sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan at mga karatig rehiyon, na lalong nagpapakita ng ugnayan ng lokal na patakaran sa mas malawak na sistemang imperyalista at gerang agresyon. Sa halip na panindigan ang tunay na soberanya, lalong nakikisangkot ang estado sa mga alyansang militar na hindi ang interes ng sambayanan ang pangunahing isinusulong.
Sa ganitong kalagayan, lalong lumalalim ang krisis pang-ekonomiya at panlipunan habang ang mga mamamayan ang pumapasan ng bigat sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang pasahod, kawalan ng lupa, at kawalan ng disenteng trabaho. Sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan, mas pinatitindi pa ang pasismo ng estado sa kanayunan at ang red-tagging at panunupil sa mga organisador, magsasaka, at manggagawang bukid.
Mariin din nating kinokondena ang pasistang atake sa Isla ng Negros noong Abril 19, kung saan 19 na indibidwal ang iniulat na napatay sa isang operasyong agad ipinrisinta ng Armed Forces of the Philippines bilang “armed encounter.” Gayunpaman, patuloy itong binabatikos dahil sa kakulangan ng malinaw at independiyenteng ebidensya ng aktwal na labanan, at sa paulit-ulit na padron ng mga operasyong nagreresulta sa paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan.
Kabilang sa mga nasawi sina Errol at Maureen Santuyo, mga peasant advocates, agricultural researchers, community organizers, at cultural workers na nakatuon sa pag-oorganisa ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Negros—isang rehiyong matagal nang sentro ng malubhang pagsasamantala sa lupa, murang paggawa, at kawalan ng tunay na reporma sa lupa. Ang kanilang pagpaslang ay hindi hiwalay na insidente kundi bahagi ng mas malawak na sistematikong padron ng pag-atake sa mga pesante at organisador sa isla.
Hindi rin ito maaaring ihiwalay sa mahabang kasaysayan ng karahasan sa Negros, kabilang ang Escalante Massacre, Sagay 9 Massacre, at iba pang serye ng pamamaslang at maramihang paglabag sa karapatang pantao laban sa mga magsasaka at manggagawang bukid na lumalaban para sa lupa at kabuhayan. Sa bawat atakeng ito, malinaw ang patuloy na pag-iral ng impunity at ng sistemang pumapabor sa iilan habang sinasagasaan ang karapatan ng nakararami.
Sa huli, tanging sa sama-samang pagkilos ng uring manggagawa, magsasaka, at lahat ng inaaping sektor makakamit ang tunay na pagbabago.
Walang iisang institusyon ng estado ang kusang magbibigay ng hustisya at kaunlaran kung hindi ito ipinaglalaban at isinasakatuparan ng nagkakaisang sambayanan. Ang mga batayang karapatan at kaginhawaan ng masa ay nagiging posible lamang sa pamamagitan ng organisado at kolektibong pagkilos.
Tanging sa pagkakaisa lamang mababasag ang sistemang patuloy na nagpapahirap sa nakararami, at maitatag ang isang lipunang tunay na demokratiko—isang demokrasya na nakaugat sa interes ng masa, nakatuon sa pambansa-siyentipiko at makamasang kultura, at tunay na naglilingkod sa sambayanang Pilipino.
SAHOD, ITAAS! PRESYO, IBABA!
TUNAY NA REPORMA SA LUPA, IPAGLABAN!
PYUDALISMO, IBAGSAK! IMPERYALISMO, IBAGSAK!