23/09/2026
‘BAKA ITO NA RIN ANG HULING ARAW KO RITO’
Nagbigay ng personal na pahayag si Sen. Robin Padilla sa gitna ng mainit na diskusyon sa Senate Impeachment Court hinggil sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Baka ito na rin ang huling araw ko rito eh. Hindi ko na rin alam eh. Ipinaliliwanag lamang po namin sa inyo na may pinagdaraanan ang minorya. At hindi po sana… tayo pa ang nagdidiin sa mga kasama ninyo,” ani Padilla.
Hinimok din niya ang kanyang mga kapwa senator-judge na iwasang tratuhin na parang nahatulan na ang mga kasamahang nahaharap pa lamang sa mga kaso.
“Bahay natin ’to eh. Ipinaliliwanag lamang po namin na huwag sana kaming parang pinagtutulakan na kami ay desisyunan na ng korte, na kami ay mga convicted na. Sanay naman akong maging convicted. Pero huwag naman ganiyan. Kayong mga kasama namin, ang una naming hiling sa inyo na sana ang pinag-usapan natin dito ’yong rules natin,” dagdag niya.
May kaugnay na legal na usapin si Sen. Robin Padilla sa labas ng impeachment trial. Pinadalhan siya ng DOJ ng subpoena kaugnay ng obstruction-of-justice complaint dahil sa alegasyong tumulong siya kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na makaalis sa Senate premises noong Mayo. Inatasan siyang humarap sa preliminary investigation sa Setyembre 25 at Oktubre 9. Iginiit ni Padilla na hindi niya tinulungan si Dela Rosa na tumakas at pinasakay lamang niya ito sa kanyang sasakyan.
Nilinaw din ng DOJ na ang subpoena at preliminary investigation ay hindi pa finding of guilt at pagkakataon ito para sagutin ni Padilla ang mga alegasyon bago magpasya ang prosecutors kung may sapat na basehan upang magsampa ng kaso sa korte.
Ang pahayag ni Padilla ay kasunod din ng emosyonal na apela ni Sen. Camille Villar na huwag ituring na guilty ang mga senador na nahaharap sa kaso, habang nagpapatuloy ang debate kung paano bibilangin ang two-thirds vote na kailangan sa impeachment proceedings.