09/08/2026
Paalam, Mahal
Bigla kang dumating sa buhay ko nang hindi ko inaasahan.
Sa unang pagkikita natin, ang alam ko lang ay pangalan mo.. at Marami akong narinig na kuwento—na babaero ka raw, iba-iba ang babaeng dumarating sa buhay mo, at mahilig ka sa “flavor of the month.” Sabi nila, hindi ka seryoso at hindi ka nagtatagal sa isang relasyon.
Kaya noong una mo akong chinat, hindi kita pinansin.
Ilang beses mo akong kinulit sa chat, pero nanatili akong hindi interesado. Isang linggo, isang buwan, hanggang sa umabot ng dalawang buwan. Hanggang sa sinabi mo, “Subukan natin. Kapag hindi nag-work, cut off agad.”
At sinubukan nga natin.
Akala natin sandali lang. Pero ang isang buwan ay naging dalawang buwan. Ang dalawang buwan ay naging isang taon. Hanggang sa naging dalawang taon at ilang buwan.
Sa loob ng on and off nating relasyon, marami tayong masasayang alaala. Ramdam ko ang pagmamahal at pag-aalaga mo. Kaya hindi ko namalayan na minahal na pala kita nang sobra—hanggang sa dumating sa puntong napabayaan ko na rin ang sarili ko at maging ang pamilya ko dahil sa pagmamahal ko sa iyo.
Lagi tayong nag-aaway at nagbabati. Paulit-ulit tayong nasasaktan, pero sa kabila ng lahat, ramdam ko pa rin ang pagmamahal mo.
Hanggang sa dumating ang isang malaking problema sa buhay mo.
Noong panahong hiwalay na tayo, sa kabila ng sakit at ng lahat ng nangyari, kusa akong bumalik. Hindi dahil nakalimutan ko ang mga sakit na pinagdaanan natin, kundi dahil gusto kitang alalayan, alagaan, at mahalin nang sobra. Gusto kong maramdaman mo na kahit sa pinakamabigat na panahon ng buhay mo, may isang taong tunay na nagmamahal at nag-aalaga sa iyo.
Dumating tayo sa puntong na, sa isip ko,.. IKAW AT AKO LABAN SA MUNDO.”
Pero masakit palang isipin na sa isang maliit na problema, muli tayong naghiwalay. At isang araw pa lang, may bago ka na agad.
Parang isang araw lang ang pagitan bago ako mapalitan.
Isang buwan kong tiniis ang sakit. Tahimik akong nagtiis dahil mahal kita. Dahil hindi na ako sanay na wala ka sa buhay ko.
Nang maghiwalay kayo ng bago mo, bumalik na naman ako sa buhay mo. Bumalik ako dahil gusto kong maibsan ang sakit at dahil umaasa pa rin akong baka tayo pa rin sa huli.
Pero habang kasama kita, alam kong may iba ka na namang nililigawan—mga babaeng nakikilala mo sa chat.
Alam mong mababasa ko ang Messenger mo dahil ikaw mismo ang nagbigay sa akin ng password mo. Nakita ko ang mga bagay na masakit malaman. Pero sa kabila ng lahat, nagpakabulag ako.
Nagpakatanga ako para sa pagmamahal ko sa iyo.
Nanatili pa rin ako sa piling mo.
Hanggang sa dumating ang panahon na madali ka nang magalit. Pinagseselosan mo ang trabaho ko—trabahong ikaw mismo ang nanghikayat sa akin na tanggapin. Palagi na tayong nag-aaway kahit sa maliliit na bagay. Lagi kang galit. Lagi kang naghahanap ng dahilan para mag-away tayo.
Hanggang sa nalaman ko ang totoo.
May bago ka na pala.
At doon ko naisip na baka lahat ng dahilan na hinahanap mo para maghiwalay tayo ay dahil may iba ka nang gustong piliin.
Ilang beses na tayong naghiwalay. Ilang beses din tayong nagbalikan. Paulit-ulit tayong ibinabalik sa isa't isa, pero sa bawat pagbabalik, may panibagong sakit na naiiwan.
Kaya ngayon…
Tama na.
Tama na ang sakit.
Tama na ang paulit-ulit na pag-asa.
Tama na ang pagmamahal na ako na lang ang patuloy na ipinaglalaban.
Malaya ka na.
Malaya ka nang piliin kung sino ang gusto mong makasama. Malaya ka nang maging masaya kasama siya.
Ang hiling ko lang ay sana maging masaya ka. Sana makuntento ka sa kung anong meron kayo. At sana, huwag mong iparamdam sa kanya ang mga sakit na ipinaramdam mo sa akin.
Dahil alam mo kung gaano kasakit.
Sobrang sakit na halos pakiramdam ko, winawasak na nito ang buong pagkatao ko.
Pero sa kabila ng lahat, hindi ko pagsisisihan na minahal kita.
Minahal kita nang buong-buo.
Inalagaan kita sa abot ng aking makakaya. Nanatili ako kahit maraming dahilan para umalis. At kahit ilang beses mo akong nasaktan, pinili pa rin kitang mahalin.
Ngayon, pipiliin ko naman ang sarili ko.
Hindi dahil hindi na kita mahal…
Kundi dahil kailangan ko nang matutong mahalin ang sarili ko nang higit sa sakit na dulot ng pagmamahal sa iyo.
Paalam, mahal.
Paalam sa lahat ng alaala natin.
Paalam sa mga panahong naging masaya tayo.
Paalam sa ating pagmamahalan.
At higit sa lahat…
Paalam sa atin.
Sana maging masaya ka.
At sana, sa susunod na magmahal ka, huwag mo nang saktan ang taong buong PUSONG MAG MAMAHAL SAYO..
PRAKTIS LANG🙂