23/09/2025
Model Classroom na Walang Modelo
Sa halip na maging huwaran ng katapatan at inspirasyon, ang Model Classroom Program ng Supreme Secondary Learner Governement (SSLG) ay nauwi sa isang modelo ng kalituhan, kakulangan, at katahimikan.
Sa bawat programang ipinapakilala sa ating mga paaralan, inaasahan ng mga g**o at mag-aaral ang malinaw na proseso, patas na resulta, at higit sa lahat, transparency. Ngunit kamakailan lamang, tila kabaligtaran ang nangyari sa ipinagmamalaking Model Classroom Program ng SSLG. Ang proyektong ito, na dapat sana’y magsilbing gabay at inspirasyon para sa lahat ng organisasyon sa paaralan, ay nauwi sa kontrobersiya dahil sa kulang-kulang na evaluation, tahimik na resulta, at kakulangan sa malinaw na paliwanag.
Matapos ang awarding noong nakaraang buwan, maraming estudyante at g**o ang nagtanong: nasaan ang malinaw na resulta? Hindi upang kwestyunin ang nanalo, kundi upang makita kung saan pa sila maaaring mag-improve. Ngunit imbes na tugunan, nanatiling tikom ang bibig ng mga opisyal ng SSLG. Ito’y hindi lamang simpleng kapabayaan; ito’y direktang pagtapak sa prinsipyo ng pagiging modelo ng kabataan, ang pagiging bukas, tapat, at makatarungan.
Kung tutuusin, maliit na larawan lamang ito ng mas malaking isyu sa ating lipunan: ang kakulangan ng transparency sa pamahalaan. Ilang beses na bang nabulgar ang mga proyekto at pondong ipinagmamalaki ng mga opisyal, ngunit kulang sa malinaw na ulat at paliwanag? Kung ang SSLG na itinuturing na kinabukasan ng liderato ay hindi kayang maging tapat sa isang simpleng evaluation, paano pa kaya kung humarap sila sa mas mabibigat na responsibilidad sa hinaharap?
Hindi ito usapin ng simpleng scores o papel na resulta. Ito’y usapin ng credibility at integridad. Ang liderato, gaano man kaliit o kalaki, ay nasusukat hindi sa dami ng proyektong ipinapakita kundi sa katapatan sa proseso at pananagutan sa taong pinaglilingkuran. Ang kawalan ng malinaw na ulat mula sa unang evaluation ay nagsilbing sugat sa kredibilidad ng SSLG, isang sugat na maaari lamang gumaling kung sila’y maglalabas ng buong resulta at kikilalanin ang kakulangan ng kanilang sistema.
Ngayon na muling magsasagawa ng evaluation, ang pinakamahalagang tanong ay ito: matututo ba ang SSLG mula sa pagkakamali? O uulit lamang sa parehong sistema ng katahimikan at pagtatakip? Ang kanilang kasunod na hakbang ay magsisilbing sukatan kung sila nga ba ay karapat-dapat tawaging mga lider na modelo ng transparency at mabuting pamamahala.
Kung nais ng SSLG na patuloy silang pagkatiwalaan, dapat nilang tandaan: hindi sapat ang magkaroon ng programang “Model Classroom.” Ang tunay na modelo ay nakikita sa gawa, hindi sa titulo. At ang unang hakbang tungo rito ay ang paglalantad ng buong resulta dahil ang bawat paaralan, gaya ng bawat bansa, ay umuunlad lamang kung ang pamumuno ay bukas, tapat, at may pananagutan.