29/04/2026
Araw-araw umiikot sa mundong mapanglaw,
Anino’y humahaba, ngunit walang patutunguhan.
Humihinga sila sa gitna ng ingay at gulo,
Ngunit sa loob, tila ba’y may kulang at lito.
Tinawag silang mahina, tinawag na talunan,
Sinabihang hanggang doon na lang ang hangganan.
Kaya natutong yumuko, natutong manahimik,
Habang unti-unting nilalamon ng paglimot at paninikip.
Ngunit isang umaga, nag-iba ang ihip ng hangin.
Hinaplos ang pisngi nila, gumising sa damdamin.
Niyakap sila ng araw, kinaladkad palabas sa dilim,
At sa unang pagkakataon, tumingin sila sa alapaap na maitim.
Doon, sumayaw silang kasama ng hamog at ulan,
Dumampi ang lamig sa kaluluwang sugatan.
Ang pusong dati’y salat, ngayo’y natutong tumibok,
Ang luhang kanina’y tahimik, ngayo’y naging pagsambit ng pag-irog.
At doon nila naunawaan ang matagal na katotohanan:
Hindi sila alipin ng bigat na pilit na isinasaksak ng panahon.
Hindi sila pangalan lang na mabubura sa pahina,
Sila ang mismong tinta, sila ang buong obra.