25/03/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐ฌ๐ ๐๐๐ก๐๐ฅ ๐ง๐ ๐๐ข๐ซ๐ก๐๐ง๐ ๐๐๐ซ๐ข๐, ๐๐ฎ๐๐ฌ๐ญ๐ซ๐ ๐๐๐ง๐จ๐ซ๐ ๐๐ ๐ฅ๐จ๐ฌ ๐๐จ๐ฅ๐จ๐ซ๐๐ฌ ๐๐ ๐๐ฎ๐๐ณ๐จ๐ง
(๐ผ๐พ๐ด๐ฟ๐ผ๐๐ด๐๐บ ๐ด๐
๐ด๐: ๐๐ด๐๐บ ๐๐ด๐๐ด๐๐ท๐ด๐ ๐๐ผ ๐๐ด๐
๐ผ๐ด ๐๐ด ๐๐ด๐พ๐ด๐๐ด๐พ๐ ๐๐ด ๐พ๐
๐๐ ๐๐ผ ๐ป๐ธ๐๐๐)
Sa ngalan ng + Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
PAGSISISI
Mga kapatid, nagkakatipon-tipon tayo upang pagtibayin ang ating pakikipag-ugnay sa ating Mapagkalingang Diyos sa tulong ng ating Mahal na Ina ng Hapis, at dahil sa ating 'di pagiging karapat-dapat na mga anak, isuko muna natin ang ating mga kasalanan. Manalig tayo na dahil kasama natin ang ating mahal na Ina na walang humpay na nagmamalasakit sa atin, ang pagdulog nating ito ay kalugdan ng Diyos at magiging kapaki-pakinabang sa atin at sa buong sambayanan.
Mahabaging Ama, sa pamamagitan ng paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng Bugtong Mong Anak, binigyan Mo kami ng pagkakataon na makamtan ang Iyong kapatawaran at kaganapan ng kaligtasan. Sa kabila ng aming maraming mga pagkukulang, patuloy Mo pa rin kaming tinatawag upang sa Iyo ay makipag-ugnay. Buong kababaang-loob kaming nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa lahat ng aming kasalanan. Kahabagan Mo kami maawaing Ama. Lubos kaming umaasa sa tulong ng mga biyayang nagmumula sa Iyo at sa pamamatnubay ng Mahal na Ina ng Hapis. Kami ay nagtitika at naghahangad na maisasabuhay ang dakila naming karangalan bilang mga anak Mo na tumutugon sa pangangailangan ng bawat isa hanggang sa walang humpay Ka naming dakilain at papurihan sa Iyong kaharian. Amen.
Ikalimang Araw ng Septenaryo
PAGBASA NG EBANGHELYO AYON KAY SAN JUAN (19:25-27)
Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang Kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang Kanyang ina, at ang minamahal Niyang alagad sa tabi nito, Kanyang sinabi, "Ginang, narito ang inyong anak!" At sinabi sa alagad, "Narito ang iyong ina!" Mula noon, siya'y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
PANALANGIN PANGKALAHATAN
May tiwala tayong manalangin sa Ama. Niloob Niyang ang Birheng Maria ay maging higit sa lahat ng nilalang sa langit at sa lupa.
TUGON: Sa pamamagitan ng panalangin ng Mahal na Birhen ng Dolorosa, Panginoon, dinggin Mo kami.
- Nagpapasalamat kami sa Iyo, Amang maawain, sapagkat ipinagkaloob Mo sa amin si Maria upang maging Ina at uliran namin. Sa kanyang pamamagitan, linisin Mo ang puso namin. (Tugon)
- Pinagpala Mo si Maria na maging masunurin sa Iyong salita at tapat sa paglilingkod sa Iyo. Sa kanyang pamamagitan, gawaran kami ng biyayang kaloob ng Espiritu Santo. (Tugon)
- Pinatatag Mo si Maria sa paanan ng Krus at pinuno siya ng kagalakan sa muling pagkabuhay ng Iyong Anak. Sa kanyang pamamagitan, alisin ang aming pagdurusa at palakasin ang aming pag-asa. (Tugon)
- Ipinagkaloob Mo ang pangangalaga ng buo Mong simbahan sa aming banal na Papa Francisco. Bigyan mo siya ng matatag na pananampalataya, magiliaw na pag-ibig at buhay na pag-asa. (Tugon)
- Gawaran Mo ng biyaya ng pagbabalik-loob ang mga makasalanan at ng biyaya ng tunay na pagsisisi ang sangkatauhan. (Tugon)
- Niloob Mong mamuhay na isang banyaga sa aming mundo. Alalahanin Mo ang mga tao na nawalay sa kanilang mag-anak at bayan. (Tugon)
- Sa lahat ng mga yumao na ikaw lamang ang inaasahan, pagkalooban Mo sila ng walang hanggang kapayapaan. (Tugon)
DALIT SA BIRHENG NAHAHAPIS
Tugon: O Inang Nalulunusan at puspos ng kalumbayan. Sa oras ng kamatayan, Birhen kami ay tulungan.
- Sa sinapupunan pa man hanggang paglaki ni Hesus, napuno na ng pasakit ang puso mong mapagmahal. Sa pagsubaybay mo Ina sa Anak mong minamahal. (Tugon)
- Ang pasakit ay sumidhi sa paghihirap ni Hesus. Upang sala ng tao ay matubos sa sansinukob at makabalik sa Diyos matapos na siya'y matubos. (Tugon)
- Sa may paanan nga ng Krus, sa kandungan mo'y niyapos walang buhay na katawan ng Anak mong Manunubos. Balaraw nga sa puso mo ang kamatayan ni Hesus. (Tugon)
- Pakundangan sa lumbay mo sa pagpanaw ni Kristo nang mayari ng totoo, pagsakop Niya sa tao. Puso nami'y natunaw, tanang sala'y pagsisihan. (Tugon)
PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHENG MARIA, ANG BIRHEN NG DOLOROSA
Inang maawain at mapagmahal, Maria, Birheng Kabanal-banalan, kaming aba at makasalanag hindi marapat pakiharapan ay buong puso at kaloobang napakupkop nang lubusan at nakikiusap kami sa iyong katapatang maaasahan, upang pakundangan sa iyong matapat na pamamalagi sa paanan ng Krus na kinabayubayan ng iyong pinakaiibig na Anak na si Hesus, kaming kahabag-habag na makasalanan ay marapatin mong tuwangan sa paghahaing gagampanan ngayon dito at gayundin sa buong sambayanang banal, at sa tulong ng iyong kagandahang-loob na bigay, maihandog namin ang karapat-dapat at kalugod-lugod na alay. Sa harap ng Kataas-taasang Maykapal, Tatlong Personang hindi mapaghihiwalay sa pagka-Diyos na iisa lamang. Amen.
(Mag-alay ng 7 Aba, Ginoong Maria sa karangalan ng Pitong Sakit ni Maria)
(Hango sa Aklat Dasalan ng Pambansang Dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa, Dolores, Quezon; Diyosesis ng Lucena)
Imprimatur: Lubhang Kgg. Emilio Z. Marquez, D.D.
Nihil Obstat: Msgr. Leandro N. Castro, P.C. (Censor Librorum)
Inihanda nina: Msgr. Carlos Pedro A. Herrera, PC at Rdo. Padre Jerson M. Ray