16/03/2026
𝗔𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗸𝗮𝗹𝗮𝘁 𝗸𝗼𝗻𝗴 𝗸𝘄𝗮𝗿𝘁𝗼.
Ngayon ko lang napansin.
Matagal-tagal na din pala akong hindi nakakapaglinis ng aking silid.
Nagkalat nanaman ang mga damit, sa masikip na sahig.
Maging ang mga alikabok na nasa salamin, ay hindi ko na mapunasan.
Mga hindi matiklop at gusot na kumot sa'king higaan.
Mga librong tambak at nakakalat na lamang.
Laging patay ang ilaw.
Tila bang ayaw maka-aninag ng liwanag. Sapagkat masyado itong nakakabulag.
At marahil, hindi lang itong silid ang aking pinabayaan.
Maaaring pati ang sarili ay iniwanan sa kasulok-sulokan.
Sapagkat, baka ako nga mismo ang kwartong makalat.
Isang kwartong binalot ng pagod sa pag-abot ng mga pangarap.
Ang tensyon na nagkuyom saking dibdib ay tila malaking pader na nakaharang sa pagitan ng puso at baga — walang puwang para makahinga.
Hindi ko magawang hawakan ang walis para linisin ang alikabok ng mga ala-ala.
Hindi ko magawang punasan ang salamin dahil ayokong makita ang repleksyon saking mga mata.
Ayoko nang buklatin ang mga librong nakahiligang basahin, sapagkat wala na'kong lakas upang ito'y unawain.
At ang higaan.. ay madalas kong pag-tambayan. Ang kumot ay nagsilbing lambat saking katawan, tila ako'y pinipigilan — ayaw akong pakawalan.
Tanging unan ang naging sandalan, at boses lamang ang orasan ang nagpapa-ingay sa katahimikan..
na para bang ako'y binibilangan..
Pinapamukang marami na kong oras na nasasayang.
Ngunit.. bukas.
Maaaring bukas, o sa mga susunod pang bukas ay mayroon na'kong lakas.
Baka muli kong hawakan ang walis para ako'y makapaglinis.
Baka muli kong tiklupin ang kumot, at ayusin ang higaan na matagal ng naging pugad ng aking katamaran.
Baka muli kong damputin ang basahan, para ang alikabok ay mapunasan, at muli kong harapin, ang sarili sa salamin.
Maaaring kayanin ko naring buhayin ang ilaw.
Tanggapin, na ang paningin ay masilaw. Dahil baka nga liwanag ang kailangan ko, para maaninag ang mga kalat na dapat ligpitin sa kwarto.
At kung sakaling, makapaglinis ako.
Maibalik sa dating ayos ang kwarto.
Baka muli ko ring maibalik sa dati.
Ang disenyo ng sarili kong mundo.