11/02/2025
Isang hapong payapa,ramdam ang pagyapos ng preskong hangin. Pinili kong masaksihan ang paglubog ng araw. Umupo ako sa tabi ni punong niyog.
Habang tumatama sa muka ko ang sinag ng papalubog na araw, napansin ni punong niyog ang lungkot sa aking mga mata. Tinanong nya kung bakit ako malungkot. Sabi ko, hindi, masaya ako. Walang dahilan para makaramdam ng lungkot. Binalik ko ang tanong sa kanya. Ikaw, masaya kaba?
“Masaya naman, araw-araw kong nakikita ang ganda ng mundo. Ang paghalik ng araw sa tubig tuwing takipsilim at pagyakap ng langit sa dagat. Ang paglipad ng mga ibon at paghuni nito. Ngunit sa kabila ng saya, ay may lungkot din. Nasasaksihan ko kung pano hagkan ng araw ang tubig na kailanman ay hindi ko matitikman. Ang paglipad ng mga ibon na kailanman ay hindi ko magagawa. Ang mga ugat ko’y nakakapit sa lupa na parang sinasabing hanggang dito nalang ako. Ang alon ng dagat na pilit akong gustong yakapin ay minsan nya lang magawa. Binibigyan ako nito ng mga regalo tulad ng mga kabibe ngunit ang naisusukli ko'y mga tuyong dahon.”
Rinig ni alon ang mga sinabi ni punong niyog kaya nag wika ito.
“Masaya ako dahil sa tuwing tataas ang tubig ay maaabot kita at nayayakap. Ngunit may lungkot din dahil alam kong ito’y panandalian lamang. At kung mauulit mang muli ay siguradong hindi ito magtatagal. Kaya nireregaluhan kita ng mga kabibeng alam kong magpapasaya sayo. Magdadagdag sa ganda mo. Ako pa ay mas nakakaramdam ng lungkot pag matindi ang init ng araw. Siguradong akoy dadalhin nya sa kalangitan at kailangan ko ng sayo’y magpaalam “
Tuluyan ng nagpaalam ang araw at sumilip na si buwan. Napakaganda. Napakaliwanag
Kung pagmamasdan ay parang wala syang bahid ng kalungkutan kaya para makasigurado, tinanong ko sya kung masaya nga ba sya
“Masaya naman, dahil gabi gabi akong nandito para magbigay ng tanglaw. Nasasaksihan ko ang payapang karagatan. Ngunit sa kabila ng saya ay may lungkot din. Dahil nawawalan ako ng ningning pagdating ng araw. At sa gabi-gabi kong nandito, wala akong kasama. Mag-isang nilalamig sa buong magdamag. Dahil ang mga bituin, ang mga bituin ay hindi namamansin. Abala sila sa pagpapaganda ng kanilang mga ningning. “
Pagkatapos ni buwan ay nagwika si dagat.
“Ako man din ay masaya rin. Maraming kasamang mga isda at kung ano ano pa. Ngunit may lungkot din. Sa umaga ay hindi ako mapakali dahil laging sinusubukan ni alon na yakapin si punong niyog. At sa tuwing gabi namang pagod na sya at payapa, maiisip kong wala akong sariling pagkakakilanlan. Wala akong kulay pag wala pa si araw. Ang aking kulay ay nakadepende sa kung sino ang nandyan. At ngayon, halos ang kabuuan ko'y isang kadiliman maliban sa parte ko na binibigyan ng kulay ni buwan. At sa totoo lang naiingit ako sa karagatan ng mga bituin. May sariling kulay at ningning”
Sumagot ang bituin
“Ako nga itong naiingit, masaya naman sa piling ng kalawakan pero sa kabila ng aming ningning ay may tinatago itong kawalan. Masaya ngunit may lungkot din ako dahil wala na akong ginawa kundi itago ang kadiliman. Nakakapagod. Hindi katulad ng iyong karagatan, madami kang natutulungan. Kinaiingitan ko din ang araw, dahil sa kanyang laki, hindi sya nabibigong magbigay ng liwanag . di tulad ko minsan ay nawawalan ng ningning. At pasensya na buwan kung sa tingin mo ako’y hindi namamansin. Marami lang akong naririnig na hiling na para sa maykapal pero sa akin ipinararating.”
Sa mga pagbabahaging aking narinig. Natauhan ako. Nung una ayokong sabihin ang tunay kong nararamdaman. Ngunit nalaman kong walang mali kung sabihin kong akoy nalulungkot. Mas mali ang magpanggap na masaya kahit sa loob mo ay nalulunod ka na ng sarili mong luha. Kaya naman kinausap kong muli si punong niyog.
“Gising kapa? Kanina tinanong mo ko kung akoy masaya. Oo masaya, dahil may buhay ako, humihinga. Ngunit may lungkot din. Ang dami kong gustong sabihin pero di ako makapagsalita. Malaya akong gawin ang gusto ko pero wala akong lakas para gawin ang mga ito. Gusto kong umawit pero wala akong himig. Gusto kong lumipad pero wala akong pakpak. Gusto kong makita ang magpapasaya saking pero akoy bulag. Masaya dahil madami akong kaibigan pero konti lang ang totoo.”
Makalipas ang maraming oras. Unti unti ng nagkakaroon ng kulay ang paligid. Si araw ay muling nagbabalik. At ng makita ko ang ngiti sa kanyang sinag ay natanong ko kung sya din ba ay masaya din.
“May lungkot dahil hindi ko nakakasama ng matagal sila punong niyog, alon, buwan, dagat at lalo na ang mga bituin. Darating ang sandali na kailangan kong lumisan. Pero sa kabila ng lungkot ay mas nangingibabaw ang saya dahil alam kong muli ko silang makakasama.
Muli kong mahahagkan at mahahaplos si punong niyog sa pamamagitan ng aking sinag.
Muli kong matutulungan si alon na makalapit sa kanyang sinisinta. Dinadala ko ito sa taas upang pagluha ng kalangitan ay mahuhulog sya sa kandungan ni punong niyog.
At si buwan na kahit nawawalan ng ningning dahil sa akin ay laging nandyan. Hindi nya ako iniiwan.
Muli kong kukulayan ng bughaw si dagat. Babalutin ito ng init ng aking pagmamahal.
At hindi na mapapagod si bituin. Muli itong makakapagpahinga.
Malungkot ang bawat pagpaalam ko tuwing takipsilim pero mas nananaig ang saya dahil alam kong bukas ay may bukang liwayway.
-kd