06/01/2026
sa simula ng taon,
tuloy ang daloy ng buhay;
gigising at babangon,
maiinitan ang balat kong
hikahos sa paghihintay.
sa simula ng taon,
unti-unting luminaw ang direksyon;
aabante't susulong,
sa patutunguhan nang
paa kong ngalay ngunit
hindi namamanhid.
sa simula ng taon,
malalampasan ang unos;
aagapay at yayakap,
sa mga bisig na
hindi mawawala't
panatag.
sa simula ng taon,
lilingunin ko pa rin ang nagdaan;
magninilay akong gising,
kasabay ng paglunok sa mga
aral na iniwan.
sa simula ng taon,
wala akong katapusan;
lakas at diwa ang
sandatang iaalay.