27/04/2020
"PUTAK"
Ni: Ube Writes
Paano pag ang akala mong 'katapusan' ay 'magsisimula' pa pala?
Hubad ang daigdig nang ako'y dumungaw,
'Tikom' ang bibig nang sangkatauhan gabi't araw,
Paunti-unti't may 'sigaw' na umaalingawngaw,
Bingi ako pero diwa ko ay napukaw.
Ako ay mapanghusga.
Iwinakli ang kumot, humayo't daigdig ay tinuklas,
Binagtas landas: walang gasgas; walang 'bakas' 'di na ipapabukas,
Walang bitbit na armas, bubusisain ko lang ng may pantas,
Sisimulan ko ng lilimiin ang 'bukas'.
Samo't saring laway ang sa aki'y tumilamsik,
Kanya-kanyang haka-haka ukol sa katapusan ng daigdig,
Kaya nagmanhik-manaog hinimay sila nang 'tanong'
Lahat ng 'sagot' na ibubulong sa balikat itutontong.
PAANO KUNG ANG MUNDO'Y MATATAPOS NA BUKAS?
Tak!
"Ako'y hari, haring walang putong,
panginoon akong namamanginoon.
Papaliparin ko mga agila't dragon sa buong nayon,
Papabisbisan ko ng toneladang la*on,
Kung matatapos din ma'y mas maiging sa sarili kung tugon."
Tak! Tak!
"Ako'y siyentista
Tutuklas ng dunong na kahanga-hanga,
Bomba-atomika na siyang panggunaw 'lupa'
Titiyaking mundo'y lulutang sa 'luha',
Kung matatapos din ma'y mas maiging sa sarili kung nasa."
Puso ko'y piniga; tumulo ang gata sa mga narinig
Kapwa pala ang hihila gumapang ka lang sa 'sahig',
Kaya tinupi ko ang 'banig', sa malayo ang titig.
At muling nakinig sa ibang ibayo ng daigdig.
Tak! Tak! Tak!u
"Ako'y mangagawa,
Susunod sa sugo sapagkat ako'y alipin ng tubig
Sa Luzon, Bisaya, Mindanaw karatig
Bombang agawton sasabog,
santinakpa'y maglalaho sa titig."
Tak! Tak! Tak! Tak!
"Afrika, Hordan, Ehipto
Florida't Mehiko, nag-iipuipo,
Hihip ng hangin kapag di nabago,
Sa lakas ng digma'y malulusaw tayo
Lalo na pag ang Amerika'y magtataas ng 'ulo',
At saka Tsina at Iran ay gagamit na ng 'ma*o',
Ako... ay sundalo."
Tak! Tak! Tak! Tak! Tak!
"Kamusta ang baga ng mundo?
Nakanser.
Nasunog kaya nakalbo.
Ang dating berdeng paraiso,
Sa isang buga'y nabalot ng a*o, produkto'y sako-sakong abo.
Ako si kaingero."
At nagdilim.
At kumulog at kumidlat at lumindol.
At ang ulan ay bumuhos at bumaha at umunos.
Libo-libong buhay tinangay ng agos,
Mata'y dilat habang natatabunan ng gusaling napudpod,
Laba ng bulkan, d'yan ka ilulunod.
Merkado ay isinara.
Trapiko'y humupa.
Sundalo'y nakahanay na sa hawla.
Pinto ng mga alipin ay sarado na.
Ayan na! Ayan na!
Ayan na ang Hari, ihanda ang trumpeta.
Patapos na ang mundo!
Mundo'y patapos na!
Ito na ba ang isiniwalat ni Mister Hawking sa pag-aaral niya?
"Kukulangin ng espasyo,
sa ibang planeta'y gagawa ng panibagong mundo."
PATAPOS NA ANG MUNDO.
Binibini't Ginoo?
Ganito ba ang gusto ninyo?
Sandamakmak na imbot at hidwaan,
BUKAS NA ANG KATAPUSAN!
Taghoy ng kalikasa'y 'di na rinig,
Tao'y mapangamkam, siyang mapanlupig.
'Di ba ang Eden ay naglaho?
Nang si Ada't Eva'y lumabag sa turo.
Hapong-hapo.
Minabuti kong maglakbay pabalik sa pinanggalingan.
Bitbit ang SANA ay 'pita' pero 'pait' ng sandaigdigan.
Magwawakas ang mundo sa halakhak ng sakim,
Magsisimula tayo ng may kudlit nang patalim.
Pero,
"Ang tao'y 'di tulad sa bula-
Na kapag napawi ay napawi na nga.
Tayo'y mamamatay upang magsimula,
Ang buhay na ganap babalik sa May Likha."
At ito ang aking putak
habang may tatlong luhang pumapatak,
Lalanguyin ko na ang umaapoy na dagat.
Ikaw, ano'ng putak mo?